Pati isda, gulay, prutas kinukunan ng intel report ng America
Ilang taon na ring ginaganap sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang joint Balikatan military exercises sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at ng United States Armed Forces na bahagi ng Visiting Forces Agreement.
Nakabase nga rin sa Western Mindanao ang karamihan sa 600 personnel na bahagi ng Joint Special Operations Task Force-Philippines na kinabibilangan ng Army Special Operations Forces, Navy Seals, Air Force special operators at iba pang support personnel galing sa apat na US military services.
Kahit paano hindi rin maikaila na may isa o dalawang Amerikanong sundalo sa bawa’t kampo ng military sa Mindanao. Ito ay maliban pa sa kanilang pagkaroon ng sariling mga headquarters maging sa Bato-Bato Island sa Tawi-Tawi na kung saan naroon nakakuta ang isang unite ng elite Navy Seals.
Ngunit ito ay puwera nga lang sa Southern Mindanao na kung saan mariing tinutulan ng ilang sector, maging ni Mayor Rodrigo Duterte ang pagdaos nga ng joint Balikatan military exercises dito. Ito ay sa dahilan nga na kung saan ang mga sundalong Kano, sila ay naging parang magnet sa mga terrorista gaya ng nangyayari sa Sulu at sa Basilan na kung naroroon ang mga Amerikanong sundalo sa ngalan kuno ng civic at humanitarian work. Kaya nga walang hinto ang pangbobomba sa Sulu at maging sa Basilan nitong mga huling buwan.
At nitong nakaraang Huwebes nga lang ay pinirmahan ni JSOTF-P commander Lt. Col. William Coultrup at ni Southern Mindanao regional agriculture director Carlos Mendoza ang isang Administrative Procedural Agreement (APA) na nagsasaad na magkaroon nga ng sharing of information sa pagpaunlad ng agrikultura sa timog Mindanao.
Magkakaroon nga ng information sharing sa pagitan ng mga Pinoy at mga sundalong Kano na ngayon ay may kinalaman na sa mga proyekto sa agrikultura kagaya ng pagpalaki ng ‘pangasius’ na isda at maging ang pagtanim ng prutas at gulay. Ito ay maliban pa sa mga existing na proyekto ng United States Agency for International Development (USAID) lalo na sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Mukhang lahat na yata ng aspeto ng buhay ng Pinoy ay pinasukan na ng mga Amerikanong sundalo. Nararapat lang siguro na sa puntong ito ay maigi nating suriin kung ang patuloy na paghihimasok ng mga Amerikano ay nakakabuti ba sa atin bilang isang lahi at isang bansa.
Huwag sanang dumating ang panahon na ang ating mag produktong agrikultura, gaya ng isa, prutas at gulay ay maging ‘Tatak Kano’ na at hindi na ‘Tatak Pinoy’!
- Latest
- Trending