Maligayang kaarawan, Ka Eduardo V. Manalo
AKO, si Presidente Erap, ang aming panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada at ang buong pamilya Estrada ay nakikiisa sa milyun-milyong mga kasapi ng Iglesia ni Cristo (INC) sa buong mundo na tauspusong bumabati kay Kapatid na Eduardo “Ka Eddie” V. Manalo sa kanyang ika-54 na kaarawan ngayong araw na ito.
Si Ka Eddie, kinikilalang bagong Tagapamahalang Pangkalahatan ng INC, ay apo ni Ka Felix Y. Manalo at anak ng namayapa kamakailan na si Executive Minister Eraño “Ka Erdy” G. Manalo. Si Ka Eddie ay napakabuting tao, napakamatuwid at napakahusay na lider na naging susi sa ibayo pang paglaganap ng INC.
Bilang isang aktibong radio enthusiast, si Ka Eddie ang nag-establish ng local radio frequency bulletin board service noong mga panahon na hindi pa uso ang Internet access sa Pilipinas, kaya siya ang itinuturing na nagpasimula ng Internet usage sa bansa.
Sa pamamagitan nito at kanyang masigasig na pagtaguyod ng iba’t ibang makabuluhang mga hakbangin sa loob ng INC, isinulong ni Ka Eddie ang napaka-epektibong pagpaparating ng mga salita at aral ng Panginoon gayundin ang iba pang mga mahalagang impormasyon sa ating mga kababayan sa mabilis at malawak na pamamaraan.
Malaki ang ginampanang tungkulin ni Ka Eddie sa pag-abot at paglawak ng INC sa halos lahat ng bansa sa buong mundo. Sa mahusay na paggampan ng tungkulin noon ni Ka Eddie, at sa kanyang liderato nga yon at sa hinaharap pang mga panahon, ang INC ay patuloy sa pagpapalaganap ng mga adhikain ng pagmamahal, pagiging matuwid at pamumuhay nang naaayon sa turo ng ating Panginoon.
Muli, maligayang kaarawan, Ka Eddie, at Mabuhay ang INC!
- Latest
- Trending