EDITORYAL - Please, basura n'yo, tangayin n'yo
BUKAS, aapaw sa dami ng tao ang mga sementeryo sa buong bansa. Taun-taon ay ganito ang senaryo sa mga sementeryo. Tradisyon na ng mga Pilipino na kung All Saints Day ay pinag-uukulan ng panahon ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Ang Araw ng mga Santo ay ginawa nang Araw ng mga Patay o Kaluluwa na dapat ay November 2 (All Souls Day) Wala namang masama rito.
Pero may masamang nangyayari kung November 1 na maaari namang maiwasan kung magkakaroon lamang ng disiplina ang mga nagtutungo sa sementeryo. Iyan ay ang walang patumanggang pag-iiwan ng kanilang mga basura sa sementeryo. Umaapaw ang mga tao pero mas marami ang umaapaw na basura sa sementeryo. Sandamukal na basurang humaharang sa mga daanan ng tubig. Ang mga basurang naiwan sa sementeryo ay tila mga patay na nabuhay kapag tinangay ng baha.
Isang halimbawa na maraming basurang iniiwan ng mga tao ay ang Manila North Cemetery. Ito ang pinakamalaking sementeryong pampubliko sa Metro Manila. Sa sementeryong ito nakalibing ang mga naging presidente ng Pilipinas na kinabibilangan nina President Ramon Magsaysay, Manuel Roxas, Sergio Osmeña at maski ang mga sikat na artista na kinabibilangan ni Fernando Poe Jr.
Nang manalasa si Ondoy noong September 26, maraming basura sa nasabing sementeryo ang “nabuhay”. Nakalibing na ang mga basura pero dahil sa malaki at malakas na baha, nahukay sila sa pinaglibingan at natangay sa kalawakan ng sementeryo. Kung saan-saang lugar naanod ang mga basura na kinabibilangan ng plastic bags, plastic container, styro box, balat ng sigarilyo, kendi, plastic na supot ng kandila, straw at iba pang basurang hindi natutunaw.
Maraming taon nang laging ganito ang nangyayari at ganap lamang nakita ang kawalang-disiplina ng mga nagtutungo sa Manila North Cemetery nang manalasa ang baha ni Ondoy. Hindi biro ang nagbangong mga basura sa sementeryo.
Ang Manila North Cemetery ay isa lamang sa may nakalibing na basura, marami pang ibang sementeryo na dapat ding bigyang-pansin. Disiplinahin ng mga namamahala sa sementeryo ang mga tao sa pagtatapon ng basura. Ipaunawa na ang basurang iniwan ang isang dahilan kaya nagbabaha. Tangayin sana ang sariling basura at itapon nang maayos.
- Latest
- Trending