PATULOY ang pagdating ng foreign donations para sa mga nasalanta nina Ondoy at Pepeng. Kahit na nagdaranas ng financial slowdown ang maraming bansa, hindi sila nag-atubili sa pagtulong sa Pilipinas. Nakita nila ang pangangailangan ng mga nabiktima ng bagyo kaya hindi na sila nag-uurung sulong pa.
Nagbigay ang United Nations World Food Program ng 100 tonelada ng pagkain na kinabibila-ngan ng fortified biscuits. Ayon sa UN para ito sa mga binaha sa Metro Manila at ganundin sa mga nabiktima ng landslides sa Benguet at iba pang lugar sa Northern Luzon. Isang araw makaraang dumating ang toneladang pagkain, sinabi ng Germany na magbibigay sila ng karagdagang donasyon na 800,000 euros (P55 million). Noong una ay nagkaloob na ng grant na 500,000 euros ang Germany. Ang iba pang bansa na nagkaloob nang malaking halaga ay ang Ireland, na nagbigay ng 200,000 euros na ipinadaan sa pamamagitan ng Irish NGO. Bukod doon, nagdagdag pa sila ng karagdagang 150,000 euros na ipinadaan naman sa United Nations Children Fund.
Ang Malaysia ay nagkaloob ng P6.8 million na halaga ng relief goods na kinabibilangan ng pagkain, damit, blanket at marami pang iba. Ipina- daan nila ang mga ito sa Department of Social Welfare and Development. Nagkaloob na rin ang Japan, Bahrain, Saudi Arabia at marami pang bansa. Walang tigil sa pagbaha ng tulong sa mga nabik-tima ng bagyo.
Kailangang maipakita naman ng gobyerno na maipagkakaloob ang mga donasyon na ito sa mga kawawang nabiktima. Bantayang mabuti ang mga ito sa mga “buwaya”. Nararapat maipakita sa mga bansang nagbigay ng tulong at donasyon na hindi nasayang ang kanilang pinadala. Bantayan din sa mga “buwayang” pulitiko at baka ang mga donasyon ay angkinin nila at gamitin sa 2010 elections. Kapag nasilip ng mga foreign donors na hindi sa mga kawawang biktima nakarating ang tulong, maaaring hindi na sila magbibigay. Hahayaan na lamang nilang manigas sa gutom at hirap ang mga Pinoy. Huwag hayaang makapangibabaw ang mga matatakaw na “buwaya”.