Game changers
FORTY na si CHIZ! Kuwalipikado nang maging presidente ng Pilipinas. Pero lihim pa ang plano ng bunsong kandidato hanggat hindi pa natatapos ang hindi matatapos na pakikipagtulungan para sa mga biktima ng kalamidad. Sa ngayon ay subsob muna ang kanyang atensyon bilang mambabatas sa agarang pagbangon ng bansa.
Nauna na ring pinagpaliban ni Pres. ERAP ang kanyang anunsyo ng plano na sana’y nakatakda noong isang linggo. Mula pa noong Sept. 26 ay walang tigil ang organisasyon ni ERAP, Dra. Loi at nina Sen. Jinggoy at Mayor JV sa paghahatid ng kalinga sa mga nasalanta.
Time-out muna ang lipunan sa pintakasi ng pulitika. Sa ngayon ang atensyon ay sa rehabilitasyon. Kahit nakaligtas ka sa trahedya, ang sinapit ng kapwa Pilipino ay trahedya ng bawat Pilipino. Hindi na uubra ang makasariling pag-iisip. Ang adhikain ng mga probinsiya, lungsod at bayan na magkaroon ng autonomiya ay biglang naglaho sa baha ng katotohanang tayo’y iisang bansa. Ang kalamidad ay walang kinikilalang teritoryo o boundary.
Si Defense Secretary GIBO Teodoro na sana’y magbibitiw na sa posisyon upang maumpisahan ang pagpakilala sa bayan ay biglang napako sa koordinasyon ng mga disaster management program ng mga apektadong LGU. Tahimik na nagtatrabaho muna. Nagpapasalamat ang bansa na hindi niya sinasamantala ang posisyon at ang kasawiang palad ng mga kababayan.
Di tulad ng ibang kandidato na walang awat ang pamumulitika sa anyo ng pagtulong. Alam ng bayan kung sino sila. Walang pinagkaiba sa mga namimili ng boto – mga huwad ang intensiyon. Sundin ng abiso sa botante sa panahon ng eleksiyon: Tanggapin ang pera, iboto ang kursunada. Inanod din ng baha ang maskarang nagtatago ng tunay nilang mukha.
Ang halalan sa 2010 ay mukhang hinuhubog ng mga pangyayaring hindi inaasahan, at hindi mapigilan. Nung pumanaw si Cory, ang sabi nila’y biglang nagbago ang laro.
Game changer daw ang pakilahok ng anak niyang si NOYNOY. Walang nag-akalang may kasunod pa palang game changer. Dahil malamang sa performance ng mga kandidato sa trahedya ng Ondoy-Pepeng at sa iniwan nitong suliranin titimbangin ang kanilang karapatang mamuno.
- Latest
- Trending