MARAMING beses nang nalalagay sa panganib ang buhay ng mga taong nasa mall. Imagine, nasa isang lugar ka na alam mong ligtas pero sa isang iglap pala ang sasalubong sa iyo ay bala ng armalite o grenade launchers. Isipin na lamang ang ganitong sitwasyon: May mag-anak na nagkakasayahan sa loob ng mall, pakiramdam nila ay safe na safe sila, walang bagabag o anupaman at saka biglang-bigla ay eto at bumubuga ng tingga sa iba’t ibang direksiyon. Ganito ang naging eksena noong Linggo ng tanghali sa Greenbelt 5. Pinasok ng armadong grupo ng magnanakaw ang Greenbelt at pinuntirya ang tindahan ng relo. Binasag ang eskaparate at kinuha ang mamahaling relos. Dalawang pulis ni Taguig Mayor Freddie Tinga ang nakakita sa kahina-hinalang kilos at binaril nila ang grupo. Isa ang napatay. Nag-kaputukan na. Nagkagulo na ang mga shopper at kanya-kanyang tago para hindi matamaan ng bala. Ayon sa report, isang shopper ang tinamaan pero ligtas na sa peligro. Paano kung maraming nada-may? Paano kung may mga batang nahagip ng bala? Paano kung may na-hostage at napatay?
Nakunan ng CCTV camera ang aktuwal na pagpasok ng mga armadong grupo na naka-black shirt at may nakasulat na BOMB SQUAD. Nakita ang pagkuha sa mga relo. Nakita rin ang mag-asawa at kanilang isang anak na nagkataong nasa loob ng watch store. Mabuti na lamang at hinayaang makalabas ang mag-asawa, kung hindi baka namatay sila roon.
Ilang beses nang nangyayari ang ganito. Hindi lamang ito sa Greenbelt nangyari kundi sa iba pang malalaking malls. Nakakapasok ang mga magnanakaw nang walang kahirap-hirap at nalilimas ang mga establisimentong target. Nadidisarmahan ang security guards.
Maitatanong kung anong klase ba ng pagbabantay ang ginagawa sa malls para masiguro ang kaligtasan ng shopper. Nakatutok ba sila sa magpapasok ng bomba at iba pang explosives kaya hindi na nabibigyan ng pansin ang mga kawatan na nagpapasok nang malalakas na armas. Dapat magkaroon nang mahusay na training ang mga security personnel sa mall. Hindi na biro ang nangyayaring ito. Idaan sa masusing pagpili ang mga sekyu at baka ilan sa kanila ay kasabwat ng mga kawatan. Siguruhin ang kaligtasan ng shoppers lalo pa’t palapit na ang Kapaskuhan.