IBANG klase na rin ang kriminal ngayon. Mas matatapang at tila wala nang kinatatakutang lugar, basta makanakaw lang. Lantaran at walang pakundangan. Noon ay hindi natin maisip na mananakawan ang isang tindahan sa loob ng mall, ng mga armadong tao, dahil marami ang security. At hindi lang basta-bastang baril, kundi mga gamit pa ng militar! Ganito ang nangyari sa Greenbelt 5 nang pasukan ng anim na armadong lalaki, habang limang tao, may babae pa, ang nagsilbing bantay sa labas ng isang tindahan ng mamahaling relo. Kung paano sila nakapasok na hindi man lang nakapalag ang mga security ng mall, ewan ko na lang. Kung sasabihin ng mga guwardiya na wala silang laban, e sa anong klaseng kriminal sila pwedeng lumaban? Lumalabas na para na ring walang guwardiya!
Nataon naman na kumakain sa nasabing mall si Taguig Mayor Freddie Tinga, kasama ang mga security niya. Nang marinig ang komosyon, rumesponde ang dalawang pulis na escort at nakipagbarilan na sa mga magnanakaw. Isa ang napatay nilang kriminal. Mabuti naman! Pero marami pa rin ang nakatakas, at nakatangay pa ng mga mamahaling relo. Kung ang isang mall katulad ng Greenbelt 5, na ang sinasabi nila ay sapat ang kanilang security, ay kayang pasukan ng mga armdong tao, paano pa kaya ang mga tindahan na wala sa mall at nasa kalye lang, o mga bahay? Ano ang laban natin sa ganitong klaseng kriminal?
Dapat ba mga sundalo na rin ang magbantay sa mga mall para malalakas din ang mga panlaban nilang baril kung sakali? Maganda bang tingnan kung may mga sundalo sa mall, o kung saan-saan para magbigay lang ng security? Parang ganun na nga dapat ang mangyari. At hindi naman kaya isang “training” na naman ito para sa ilang sundalo o pulis? Matagal ko nang naririnig na kasama ang mga ganitong “field exercise” sa pagsasanay ng ilang pulis at sundalo.
Baka naman ganitong klaseng mga krimen ang mararanasan ng siyudad ngayon, lalo na papalapit na naman ang eleksyon! Baka mapadalas. Ano na ang sitwasyon ng Metro Manila? Sino naman ang aasahan natin na magbigay ng serbisyo at proteksiyon sa mamamayan kung ang mga magagaling na pulis ay personal na security naman ng mga mayor, congressman, senador, opisyal ng pamahalaan o ng presidente? Palapit nang palapit ang eleksyon, pasama nang pasama naman ang sitwasyon sa Metro Manila. Kung hindi bagyo, krimen naman. Mag-ingat na nang husto!