Korek si Chiz
LOGICAL ang suggestion ni Senator Francis Escudero na dahil sa nangyaring kalamidad, ipasa muna ang mga estudyante (at least for one grading period) sa mga paaralang naapektuhan ng kalamidad. As it is, walang mapagdausan ng klase. Kung hindi man nasalanta ng baha, ang mga school buildings ay ginawang evacuation centers. Bumuo na lang ng programa ang mga titser para unti-unting makabawi sa mga na-miss na aralin ang mga estudyante.
Pero tila nairita si DepEd Secretary Jesli Lapus sa mungkahi ng kanyang party-mate na si Sen. Escudero na bigyang konsiderasyon ang mga estudyante sa mga lugar na apektado ng malaking bahang dulot ng mga bagyong Ondoy at Pepeng. May iba ring nagtaas ng kilay at nag-isip.
Nagbigay ng klaripikasyon si Chiz na sa tingin ko’y may katuwiran. Aniya ang pagbibigay ng pasadong marka ay para lamang sa mga mag-aaral na apektado ng mga bagyong Ondoy at Pepeng.
Binigyang diin ni Escudero na hindi ito sumasakop sa buong school year kundi sa kasalukuyang grading period o semester lang.
Hindi niya rin binanggit ang mga salitang mass acceleration o promotion. At lalong hindi niya sinabi na bigyan na ng diploma ang mga magsisipagtapos. “Calamity diploma” kasi ang tingin dito ni DepEd Sec. Jesli A. Lapus.
Hindi lang ang mga estudyante ang tinamaan kundi maging ang mga guro. Paano nga naman makakapasok ang mga estudyante at guro kung patuloy pa ring nanlilimahid sa putik at lubog sa baha ang mga paaralan? Marami ring paaralan ang kasalukuyang sinisilungan ng evacuees.
Bukod diyan, hindi rin madadaan ang mga pangunahing kalsada. At limitado rin ang transportasyon. Ang suhesyon ng Senador ay walang anumang bahid ng pulitika kundi pakikisimpatiya lamang sa mga biktima ng mga bagyong Ondoy at Pepeng.
Huwag na lang bigyan ng political color ang isyu. Baka isipin ng tao na naiinis si Lapus dahil siya ay pin-san ng LP presidential bet na si Noynoy Aquino.
Isa ring Aquino si Sec. Lapus. Jesli Aquino Lapus.
- Latest
- Trending