NAPANSIN ko sa grocery store ang batang lalaki, payat, luma ang damit pero malinis. Halatang gutom na gutom na nakatitig sa basket ng prutas. Naulinigan ko ang pagbati sa kanya ng grocer na si Mang Romy, “Oy, Barry, kumusta ka ngayon.”
“Mabuti po ako, Mang Romy. Hinahangaan ko lang itong mga prutas. Parang ang sarap po.”
“Masarap talaga ‘yan, Barry. At kumusta naman ang nanay mo?”
“Mabuti po siya, Mang Romy, gumagaling na mula sa sakit.”
“Gusto mo bang ipag-uwi siya ng mga prutas?”
“Huwag na po, Mang Romy, wala naman po akong pambayad.”
“E di mag-trade tayo. Meron ka bang puwedeng ipalit sa prutas?”
“Wala nga po, Mang Romy, maliban sa magandang holen ko.”
Tiningnan ni Mang Romy ang holen na dinukot ng bata sa bulsa: “Maganda nga! Pero dilaw ito, at pula naman ang paborito kong kulay. Meron ka bang pulang holen? Ganito kaya: Iuwi mo na itong basket ng prutas, at kapag nagawi ka uli dito’y dalhin mo sa akin ang pulang holen.”
Masayang umalis si Barry na bitbit ang pasalubong para sa nanay. Samantala, nakangiti si Jean, asawa ni Mang Romy, habang inaasikaso ako. “Ganyan talaga ‘yang mister ko,” aniya. “Tatlong batang mahihirap ang parati niyang tinutulungan. Binibigyan niya ng prutas o gulay o bigas. Tuwing bumabalik sila na may dalang pulang holen, sinasabihan niya na nagbago ang isip niya kaya dalhan na lang siya ng berde o asul, pero pinababaunan niya uli ng makakain.” Natuwa ako sa kagandahang-loob.
Lumipas ang maraming taon. Nakapag-OFW ako, tapos umuwi na. Isang araw nabalitaan kong pumanaw si Mang Romy. Sa burol nakiramay ako kay Jean. Napansin ko ang tatlong matipunong lalaki sa tapat ng ataul: Dalawa naka-barong, isang bihis sundalo. Tahimik na lumuluha. Kapwa may makikinang at mamahaling pulang holen sa palad. Marahan nilang ipinatong ang mga “bayad” sa ataul. Saka bumulong, “Salamat po!”