Delikadesa raw
ISANG miyembro ng Gabinete ni Presidente Arroyo ang nagpahayag na ng suporta kay Sen. Noynoy Aquino para sa kanyang pagtakbo bilang presidente sa 2010 elections. Si Sec. Alberto Romulo ng DFA ay malapit sa pamilyang Aquino, na nagsilbi rin sa Gabinete ng dating President Cory. Kaya hindi naman kataka-taka kung bakit ganito ang kanyang katayuan sa darating na election. Isang opisyal din ng Presidential Anti-Graft Commission ang nagbitiw na rin sa tungkulin, para kumampanya para kay Noynoy. Kaya nagkakandarapa ngayon ang administrasyong Arroyo kung ano ang katayuan nila sa mga miyembro ng opisyal na pamilya ng Presidente na nagpapahayag na ng suporta para sa ibang kandidato maliban kay Defense Sec. Gilbert Teodoro, na inendorso na nila bilang kandi-dato ng Lakas-Kampi. Patatalsikin ba ng Palasyo, o hihikayating mag-resign na lang, bilang delikadesa.
Si Lorelei Fajardo ang nagbigkas ng salitang delikadesa, na tama ang ginawang pagbitiw ni Commissioner Jaime Jacob ng PAGC kung gusto niyang suportahan ang ibang kandidato. Pero bago magsalita si Fajardo ng ganyan, sila muna dapat ang umintindi ng salitang delikadesa dahil sa lahat ng nangyaring anomalya, iskandalo, imbestigasyon sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Marami sa mga prinsipyong karakter sa mga nasangkot o nadawit sa lahat ng mga anomalyang iyan ay hindi nagbitiw sa kanilang mga tungkulin. Mga katulad ni Romulo Neri, Sec. Ebdane sa imbestigasyon sa mga proyekto ng World Bank, mga sundalong sumundo kay Jun Lozada na na-promote pa, ang Ombudsman, si Chavit Singson at ilan pang mga opisyal na mas mababang posisyon. Delikadesa? Mauna kayo!
At iyan ang sakit ng pulitika sa Pilipinas. Dapat kakampi mo lahat ang nasa administrasyon. Hindi na bale na magaling ka at maganda ang ginagampanan mong trabaho at tungkulin. Pag hindi mo kakampi, dapat umalis ka na. Pero sa kasong ito, dahil sa sama ng imahe ng administrasyon, at sa kawalan na ng tiwala ng mamamayan sa gobyerno, mabuti na nga at umalis na lang. Hindi dahil sa delikadesa kundi dahil tama. Tiyak na hindi lang si Romulo ang may ganitong posisyon na hinggil sa kung sino ang gustong suportahan. May mga susunod pa sa kanya. Kung hindi man “kiss of death” ang maging kakampi ng administrasyon, sigurado naman na lumulubog na ang kanilang barko. Oras na para lumikas. Oras na para sa pagbabago at tunay na reporma para sa bansa.
- Latest
- Trending