Erap vs Ping
ITULOY natin ang pagtalakay sa hidwaan ng dalawang dating matalik na magkaibigan: Sina Sen. Ping Lacson at dating Presidente Estrada.
Obyus na obyus ang pagiging pro-Erap ang barbero kong si Mang Gustin.
Aniya, sari-saring akusasyon na ang binato kay Erap gaya ng pagiging, babaero, lasenggo, sugarol. Pero ang hindi raw niya matanggap ay ang paratang na puwedeng magpapatay ng tao si Erap. Giit ni Gustin, ang mga paninirang ito’y upang wasakin si Erap na determinadong tumakbo sa 2010 presidential elections.
Aniya, “sa loob ng mahigit 40-taong paglilingkod sa bayan ni Erap, wala siya ni katiting na human rights violation.” Ngunit si Lacson daw ay maraming kinasang-kutang kaso tulad ng “Kuratong Baleleng” rubout na hangga ngayo’y nakabitin pa sa Korte Suprema.
Opinyon iyan ni Gustin at marahil ng marami pang iba. Pero suriin natin nang balanse ang usapin sa Dacer-Corbito double murder na dito’y isinasabit ang pangalan ng dating Presidente pati na si Lacson. Sino sa dalawang personalidad na ito ang higit na dapat mana-got? Kung ako ang tatanungin, ewan ko dahil mahirap magsalita ang hindi eyewitness at baka maging mapanghusga tayo ng wala sa lugar.
Ngunit nagtatanong ang marami —bakit ang Senado ang ginagawang forum ni Lacson sa kasong ito at hindi ang Korte? Ito ba’y dahil sa siya’y may parliamentary immunity? Kaya hindi maiiwasang magsuspetsa ang mga kababayan natin na ang rebelasyon ni Lacson ay isa lamang taktika para wasakin si Estrada.
Isa pa, bakit naghintay ng walong mahabang taon si Lacson bago pasabugin (muli) ang isyu? Ito ba’y dahil nakikinabang siya kay Erap noon?
Wala tayong kinikilingan sa usapin kundi nagsusuri lamang tayo sa sensitibong isyung ito.
- Latest
- Trending