Mandaluyong: Hindi Tiger city kundi Paurong City
PEKE pala ang mga pirma sa papeles ng Nice Hotel mula sa engineering office ng Mandaluyong City nang magbukas sila noong Agosto 15. Napatunayan ito sa imbestigasyon na isinagawa ni Catherine Jane Arce, hepe ng Bureau of Permit and License Office (BPLO). Sa kanyang depensa naman, sinabi ni Engr. Cris Roxas, hepe ng Engineering Office, na peke ang mga pirma na nasa likod ng assessment at application for occupancy permit ng Nice Hotel na pag-aari ng mag-asawang Carlo at Betty Teh ng Color Group Inc. Pero dapat nakasentro ang imbestigasyon sa iniutos ni Mayor Benjamin Abalos Jr. kung bakit nasabi ni Roxas na peke ang pirma sa application form ng Teh couple, hindi kanya maging ng mga tauhan niya.
Sa tingin ko kasi, Mayor Abalos Sir, hindi lang sa application ng Nice Hotel nangyari na peke ang mga pirma kundi marami pa. At kapag totoo ang hinala ko, ibig sabihin niyan, me kumikita sa ganitong modus operandi at tiyak hindi sa kaban ng Mandaluyong napupunta ang pera. Pag nagkataon, hindi Tiger City ang Mandaluyong kundi Paurong City. Dapat na sigurong kitlin ni Abalos ang relasyon nila ni Roxas. ‘Yan ay kung hindi siya kakutsaba sa modus operandi nito na pagkakakitaan, di ba mga suki?
Ang Nice Hotel na matatagpuan sa EDSA sa Bgy. Highway Hills ay limang palapag na building. Nang magbukas ito noong Agosto 15, ang unang dalawang palapag lang ang naging operational. Ang pangatlo hanggang panglimang palapag ay kasalukuyan pang ginagawa. Ang hindi maintindihan ng mga kausap ko sa Mandaluyong ay kung bakit nagbukas ang Nice Hotel na walang kaukulang occupancy permit. Lumabas din ang katotohanan na ‘yan sa imbestigasyon ni Arce. Buking, di ba mga suki?
Sinabi ni Arce na may kaukulang building permit naman ang Nice Hotel. Subalit ginigiit ni Arce na ang Nice Hotel ay hindi handa para mag-operate. Kaya inutusan ni Arce ang Teh couple to temporarily cease and desist from continuing commercial operation upon receipt hereof and such time that you are able to secure occupancy permit for your structure. Magpaliwanag din dapat umano ang Teh couple kung sino ang pumirma ng kanilang aplikasyon na ayon kay Roxas ay hindi kanya ang pirma.. Me kumita nang limpak-limpak na salapi dito tiyak. Susmaryusep! Nagbabala si Arce na failure to comply ang Teh couple na mangahulugan ng closure ng building. Bola-bola kamatis lang. Pampalubag-loob, di ba mga suki?
Ang suspetsa ng mga kausap ko me kakutsaba ang engineering office sa modus operandi na nakawan ng kita ang Mandaluyong. At ang itinuturong ahensiya ay ang Fire Department, lalo na ang Fire Safety Enforcement Unit (FSEU) ni Egay Santos, na dapat pipirma rin ng occupancy permit. Sa tingin ko, dapat nang magsuot ng helmet si NCR fire chief Dir. Pablo Cordeta kahit walang sunog dahil sa tauhan niyang si Santos.
* * *
Nais kung pasalamatan ang buong staff ng Noordhof Foundation sa pangunguna ni Dra. Xenia Velmonte sa matagumpay na operasyong isinagawa sa aking 9-month old grandson na si Sean diyan sa Our lady of Peace, San Dionisio, Parañaque City. Mabuhay kayong lahat. Sana, dumami pa ang inyong lahi upang makapaglingkod sa ating mga kababayan.
- Latest
- Trending