AYON sa Department of Health (DOH) paghandaan ang muling pag-atake ng AH1N1 virus dahil mas matindi raw ito. Hindi raw dapat ipagwalambahala ang muling pagsalakay. Hindi lamang dito sa Pilipinas, nananalasa ang AH1N1 kundi sa buong mundo. Marami na ring nabiktima ang sakit.
Pero kung mayroon mang dapat iwasan at labanan sa panahon ngayon,. Iyan ay walang iba kundi ang mga lamok na nagdudulot ng dengue. Patuloy ang pangingitlog ng mga lamok na tinatawag na Aedis Aegypti. Patuloy sila sa pagdami at patuloy din sa pagkitil ng buhay.
Panahon ng tag-ulan at ito ang hinihintay ng mga lamok para makapagparami. Sagana sa tubig ang kapaligiran. Maski ang mga basag na paso, basyong bote, biyak na goma, mga kanal na hindi umaagos ay tiyak na may tubig at ito ang paboritong tirahan ng mga lamok. Mabilis mangitlog ang mga lamok kaya mabilis ang kanilang pagdami. Mabagsik kung umatake na maaaring ikamatay ng kanilang biktima kapag hindi nadala sa ospital.
Sintomas ng pagkakaroon ng dengue ang lagnat na tumatagal ng pitong araw, matinding pananakit ng katawan, pagsusuka, pananakit ng ulo at matinding panghihina. Kapag nakita ang mga nabanggit na sintomas, agad na dalhin sa ospital.
Ayon sa DOH, humigit-kumulang na 80 kaso na ng dengue ang naitala sa Quezon City lamang. Noong Biyernes, tatlong bata na may dengue ang iniulat na namatay sa Old Balara, Quezon City.
Ang mabisang panlaban sa mga lamok na may dengue ay ang pananatili ng kalinisan sa kapaligiran. Siguruhing wala silang titirahan. Wasakin ang anumang maaari nilang pangitlugan. Linisin ang mga hindi umaagos na kanal o estero. Alisin ang mga nakasabit na damit sa madidilim na bahagi o sulok ng bahay. Gumamit ng kulambo kapag matutulog. Huwag hayaang nakalantad ang mga natutulog na sanggol.
Simple lamang ang paraan para mapatay ang mga lamok na may dengue: Ugaliin ang paglilinis sa loob at sa labas ng bahay.