KAHAPON ng madaling araw, dalawang bus ang nagsalpukan sa Maharlika Highway sa Quezon. Walo ang namatay at maraming nasugatan. Nag-overtake umano ang Lucena Lines at sumalpok ito sa kasalubong na Bragais Line na patungong Manila galing Bicol. Sa lakas ng pagbangga, nawarat ang dalawang bus. Karamihan sa mga namatay ay mga bata.
Sunud-sunod ang mga nangyayaring aksidente na pawang mga pampasaherong bus ang sangkot. Noong nakaraang linggo, isang bus na biyaheng San Jose del Monte Bulacan ang bumangga sa isang pampasaherong dyipni at tatlo ang namatay at 20 ang nasugatan. Nag-overtake din ang Santrans Bus at nakasalubong ang dyipni. Sa lakas ng pagbangga ay pumasok ang unahang bahagi ng dyipni sa unahan naman ng bus. Tumakas ang bus driver.
Pinakamaraming aksidente sa EDSA na pawang mga bus ang sangkot. Noong nakaraang linggo rin, isang pampasaherong bus naman ang nakasagasa sa mag-ina. Nabuhay ang ina subalit hindi ang kanyang anak. Sinuspinde na ang prankisa ng Jell Transit. Ilang araw ang nakalipas, isang pampasaherong bus din, ang Don Mariano Transit ang bumangga sa concrete barrier sa EDSA at maraming pasahero rin ang nasugatan. Karamihan sa mga bus ay nakikipagkarera sa kapwa bus para maraming makuhang pasahero. Hindi na nila iniisip kung makaaksidente man sila basta’t ang mahalaga, marami silang maisakay.
Balak ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board na bawasan ang mga bus sa EDSA sapagkat nagdudulot lamang ng trapik. Wala naman daw laman ang mga bus pero yaot nang yaot. Sa mga nangyayaring aksidente, hindi lang ang nililikhang trapik ang dapat pagbasehan ng LTFRB para walisin ang mga bus. Bigyan din ng diin ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga bus para sila tuluyang alisin sa kalsada. Unahing alisin ang mga bus na mistulang mga “kabaong” na yaot nang yaot sa EDSA at iba pang kalsada. Inilalagay ng mga drayber ng mga “kabaong bus” sa peligro ang buhay ng mga pasahero.
Ipatupad din naman ng LTO ang puspusang paghihigpit sa pagkuha ng lisensiya at ganundin ang drug test sa mga drayber. Kung hindi maghihig- pit ang mga awtoridad, patuloy ang pagbiyahe ng mga “kabaong”.