Nalalaman ba ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang kahulugan ng salitang kapayapaan? Kung nalalaman, bakit patuloy pa rin ang ginagawa nilang mga pagsalakay sa mga kawawang sibilyan? Noong nakaraang taon, sinalakay ng MILF ang mga kawawang sibilyan sa North Cotabato at sinunog ang may 500 bahay. Pati mga alagang hayop ay hindi pinatawad. Hanggang ngayon, hindi pa nakababawi ang mga residente sa kapinsalaang ginawa ng MILF. Ang pagsalakay ay pinamunuan ni Kumander Umbra Kato. Madulas si Kato at hindi mahuli ng Armed Forces of the Philippines. Tiyak na naghahanda na naman ng pagsalakay si Kato.
Ngayon ay malaking katanungan kung dapat pang ipagpatuloy ang pakikipag-usap para sa kapayapaan sa MILF. Kailangan pa ba ito gayung hindi naman nalalaman ng rebeldeng grupo ang kahulugan ng kapayapaan. Kung alam nila ang kahulugan ng kapayapaan, hindi sana sila nagsasagawa nang pagsalakay at paninira sa mga kawawang sibilyan. Ang mga walang laban na sibilyan ang kanilang piniperwisyo.
Kung kami ang tatanungin, hindi na dapat pang ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa MILF. Para ano pa? Wala namang silbi ang pakikipag-usap sa kanila. Sa nangyaring madugong enkuwentro sa Basilan noong nakaraang linggo kung saan 23 sundalo ang napatay at ang iba pa ay sinasabing pinagtatadtad, sinasabing ang mga gumawa ng pag-ambush ay MILF. Inayudahan ng MILF ang Abu Sayyaf kaya naman maraming sundalo ang napatay. Maski si Sen. Rodolfo Biazon ay matigas din ang paninindigan na huwag nang makipag-usap sa MILF. Maski si Sen. Panfilo Lacson ay tutol din sa pakikipag-usap ng gobyerno sa MILF.
Ang dapat gawin ng gobyerno ay buhusan ng pondo ang AFP para naman makabili ng mga malalakas na armas para madurog ang MILF at Sayyaf. Hindi na kailangan pang magpahinay-hinay sa pagkakataong ito na walang awa kung pumatay ang “magkaibigang MILF at Sayyaf”. Hindi na dapat pang tigilan ang opensiba. Tama na ang pakikipag-usap sa MILF.