HANGGANG ngayon, hindi pa tukoy kung sino ang nagbayad ng pagkaing inorder sa Le Cirque Restaurant sa New York noong July 30 na nagkakahalaga ng $20,000 o P1-milyon. Tinuturo ng Malacañang si Leyte Rep. Martin Romualdez na nagbayad daw pero walang pag-amin sa congressman. Si Romualdez ay laging kasama sa biyahe ni GMA.
Ang pagkaing inorder naman sa Bobby Vans Steakhouse sa Washington DC ay inako na ni Quezon Rep. Danilo Suarez. Umabot sa $15,000 ang bill. Si Suarez ay lagi ring kasama ni GMA sa mga biyahe nito.
Sabi ng mga Pinoy dito sa US, hindi sila naniniwala na sina Romualdez at Suarez ang nagbayad. Malamang daw, Malacañang ang talagang nagbayad ng mga masasarap na pagkain na kinabibilangan ng lobster, caviar, steak at mga mamahaling alak na nagkakahalaga uma-no ng $500 isang bote.
Paniwala ko rin naman, Malacañang ang nagbayad sa nilaspag na mamahaling pagkain. Hindi ako naniniwala na magtatapon nang malaking halaga ng pera ang dalawang mambabatas nang basta-basta na lamang. At kung sila talaga ang gumastos maaaring may malaking dahilan kung bakit nila nagawa iyon. Sabi ni Rep. Suarez, wedding anniversary daw nina GMA at FG kaya siya ang nagbayad sa pagkain. Kailangang tingnan ng BIR kung talagang kayang magbayad nina Romualdez at Suarez nang ganoong kalaking halaga. Kailangang mabulatlat ang katotohanan sa usaping ito.
Ang nakalulungkot lamang, habang kumakain nang masarap ang Presidente at mga kasama habang nasa biyahe, maraming Pinoy ang dumadaing sa gutom. Yung ginastos sa dalawang kainan ay marami nang almusal, tanghalian at hapunan sa naghihirap na kababayan. Kamakailan, lumabas sa survey ng SWS na noong Abril, Mayo at Hunyo ay marami ang nakaranas ng gutom. May nagsabi pang isang beses na lamang sila kung kumain sa maghapon.
Akala ko ba ay may kampanya ang pamahalaan na magtipid. Sila na rin ang bumabali sa ipinag-uutos?