Paninigarilyo lang ba ang cause ng cancer sa baga?
“Dear Dr. Elicaño, ang paninigarilyo lamang po ba ang tanging dahilan kaya nagkakaroon ng cancer sa baga? Kapag may cancer sa baga ang kasama sa bahay, maaari ba itong makahawa? Ano po ang mga sintomas ng cancer sa baga?” — LORNA ALEGRE ng Or. Mindoro
Tamang-tama ang tanong mo ukol sa cancer sa baga sapagkat ngayong Agosto ay ipinagdiriwang ang Lung Month.
Ang sigarilyo ang sinasabing pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng cancer sa baga subalit maaari ring maging dahilan ang asbestos, coal tar fumes, petroleum oil mists, arsenic, chromium, nickel, iron, isopropyl oil, radioactive substance at air pollution. Doon sa mga naninigarilyo nang mahigit sa dalawang kaha isang araw, 30 ulit na maaari siyang mamatay dahil sa cancer sa baga. Napakaliit din ng survival ng may cancer sa baga.
Sa tanong mo kung nakahahawa ang cancer sa baga, hindi ito nakahahawa.
Ang mga sintomas ng cancer sa baga ay ang paninikip ng dibdib, madalas na pag-ubo at pagdura na may kasamang dugo.
Kapag nasa late stages na ang lung cancer, ang sintomas ay pagbaba ng timbang, matinding paninikip ng dibdib, garalgal sa lalamunan at nahihirapang makalunok.
Ang cancer sa baga ay karaniwang nade-detect kapag malala na at hindi na maaaring operahin. Ang radiation theraphy at chemotheraphy ay ginagawa depende sa type ng cancer sa baga. Ang radiation theraphy ay ginagamit para matulungang ma-relieve ang pasyente sa kirot na dulot ng cancer.
Ang agarang pagtigil sa bisyong sigarilyo ang mahusay na paraan para hindi magkaroon ng cancer sa baga. Sa mga magulang, gabayan ang mga anak para hindi sila matutong manigarilyo. Iwasan din ang mga chemical na maaaring magdulot ng cancer sa baga.
- Latest
- Trending