PCR machine para H1N1 tests nasa Mindanao na
MAY magandang balita para sa mga taga-Mindanao na dati-rati ay umaabot hanggang dalawang linggo ang paghihintay sa resulta ng throat swab sample tests na manggagaling pang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Alabang para sa mga suspected A(H1N1) cases.
Dahil nga sa lumulobong bilang ng mga naapektuhan ng swine flu sa Pilipinas, kinakailangan na ring magkaroon ng ibang laboratories para sa testing ng nasabing sakit. Binabaha na ang RITM ng requests for throat swab sample tests at hindi na kaya nitong magpalabas ng resulta sa loob ng 24 hanggang 48 na oras na gaya ng dati noong nagsimula pa ang swine flu sa bansa noong buwan ng Abril.
Ayon kay Dr. Leopoldo Vega, ang director ng Davao Medical Center, dumating na raw noong August 3 ang Polymerase Chain Reaction (PCR) machine na kailangan para sa A(H1N1) laboratory test.
Ngunit kailangan munang ma-calibrate yong PCR machine bago simulang gamitin.
Ayon kay Dr. Vega, aabot pa ng may sampung araw bago simulan ang pag-gamit ng PCR machine.
Nagpadala pa nga ang DMC noong isang buwan ng tatlong laboratory staff sa RITM upang masanay sa pag-gamit ng nasabing machine na nagkahalaga ng may tinatayang P6-million.
At may isang RITM personnel na andito ngayon sa DMC upang maisaayos ang paglagay ng nasabing PCR machine.
Ang ibig sabihin nito ay lahat ng throat swab samples sa katimogan ay dito na ipapadala sa Davao Medical Center at hindi na kailangan pang dalhin sa RITM.
Nangangahulugan ito na hindi na aabot pa ng isa o dalawang linggo bago malaman ang resulta ng throat swab sample test.
Malaking ginhawa ito para sa mga taga-Mindanao na may iba pang higit na pangangailangang medical.
Sana hindi lang PCR machine and maiabot ng pamahalaan para sa mga taga-Mindanao.
Andito sa Mindanao ang 12 sa 20 pinakamahirap na probinsiya sa bansa, lalo na yong mga nasa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM). At lahat ng areas na ito ay malaki ang pangangailangan sa larangan ng pangkalusugan.
Sana dagdagan pa ng administrasyong Arroyo ang attention na binibigay nito sa Mindanao.
- Latest
- Trending