Ulirang lingkod bayan
MARAMING nanawagan sa mga kakandidato ng 2010 na sana’y tularan nila ang halimbawa ni President Cory Aquino. Wala naman sigurong magkakamali kung gayahin ang simpleng mga patakaran ng kanyang pamumuno: Honesty, integrity, decency, fairness, cou-rage, humility.
Dahil siya’y naging Presidente, usap-usapan na ngayon ang kanyang puwesto sa kasaysayan bilang isa sa pinakahinangaang lider ng bansa. Kung sina Cong. Vinzons-Chato at Plaza ang masusunod, nararapat siyang mapabilang sa hanay ng mga bayaning Pilipino.
Nakakapataba ng puso itong pagbigay karangalan kay President Cory. Huwag nga lang sanang kalimutan na kaya rin tinitingala ang kanyang kontribusyon bilang lider ay dahil, higit sa lahat, siya ay naging ulirang lingkod bayan. Ang lahat ng katangian na maipagmamalaki ni Cory ay nararapat maisalamin hindi lang sa mga Palasyo at kapitolyo kung hindi rin sa lahat ng tanggapan, maging sa pinakamaliit na lungga sa mga munisipyo at barangay. She was a great leader because she was a great public servant.
Nitong mga nakaraang araw, habang nakatutok ang bansa sa telenobela ni Cory, laging gumagawi ang isip natin sa mga maliliit na kawani ng gobyerno. Walang imik at walang pagod na ginagampanan ang kanya-kanyang papel bilang bahagi nang mas malaking makina ng pamamahala. Maaring hindi ganoon ka-higante ang kanilang mga sakripisyo kung tatanawin mo ang kabuuhan ng gobyerno. Subalit tanggalin mo ang kahit isa’y siguradong sa hindi kalauna’y babagsak din ang buo.
Pinagpala akong makatrabaho sa dalawang institusyon ng pamahalaan ang ganitong rank-and-file ng serbisyo sibil. Nakita ko na ang mayorya sa kanila – kahit pa ba hirap at nalulugi sa kanilang posisyon – ay buhos pa rin ang trabaho at paglingkod. Iba ang karakter ng mga maliit na naninilbihan sa pamahalaan. Walang hinahanap na kasikatan – siyempre wala ring makukuhang malaking sahod. Ni hindi nga masasabing naghihintay lang sila ng pasasalamat. Ang tanging kabayaran ng tunay na lingkod bayan ay mismong ang pagkakataong makapaglingkod.
Ang kahalagahan ng pagiging lingkod bayan ay pinatotohanan ng buhay ni Cory Aquino at ng pagpasalamat at pagmamahal na sinukli sa kanya ng tao.
Ang tapat at marangal na serbisyo ay nadadama at nakikita ng Bayang Pilipino.
- Latest
- Trending