'Bangis ng mamang pulis'
(Huling Bahagi)
“KUYA HUWAG PO…”
Ito ang mga pagmamakaawang narinig mula kay Banong. Nakataas na umano ang kanyang mga kamay ng barilin siya.
Bumagsak siyang nakasubsob sa kalsada. Hindi pa nasiyahan umano ang suspect at nilapitan siya at binaril sa batok.
NUNG BIYERNES NAISULAT ko ang ikinwento ni Jennifer Sales tungkol sa nabaril niyang kapatid na si Jomar ‘Banong’ Sales 23 taong gulang taga Taytay, Rizal.
Sa isang balik-tanaw, nung July 22, 2009 bandang alas tres ng hapon habang nag-iinuman ang barkada ni Banong naisipan niyang pumunta sa bahay ni SP01 Reynaldo Ebdane.
Pagdating niya sa bahay ni SP01 Ebdane ay bigla na lamang itong tinadyakan. Agad namang lumapit ang mga kasamahan ni Banong para sila ay awatin ngunit siya ay pinaulanan ng tatlong sunod-sunod na bala ng baril nito.
Matapos ang pamamaril, ayon sa mga saksi, si Ebdane ay tumayo sa tapat ng kanyang gate, naninigarilyo at tiningnan lamang ang kahabaan ng kalsada. Nakapamewang pa raw ito habang ang kanyang kalibre .45 baril ay nakasukbit sa kanyang beywang.
Dumating ang mga barangay at kusang loob namang sumama itong si Ebdane.
Sa loob ng presinto halatang nakaroon ng “lutuan” dahil sa halip na “MURDER” ang isinampang kaso “Homicide” ang inilagay sa transmittal report sa prosecutor’s office. Ito daw ay bunsod sa umanong hepe nung imbestigador.
Nakapagpiyansa (siempre dahil homicide nga) si SP01 Ebdane.
Ang maangas na mamang pulis na ito ay agad naman nilisan ang kanilang bahay kasama ang pamilya nito.
July 30, 2009 bumalik sa tanggapan namin si Jennifer Sales at dito naliwanagan ang motibo kung bakit ganun na lang ang galit nitong si SP01 Reynaldo Ebdane kay Banong.
Nung una kasi ang sinasabi nilang kwento ay nagpunta si Banong sa bahay ni Ebdane upang humiram ng pera sa kanyang biyenan na nagtatrabaho dun at nagsesemento sa bahay ng pulis.
Sa tulong ng dalawang testigo na aming nakapanayam na sina Patrick ‘Rhayven’ Rivera at Serafin ‘Junior’ Almasar isinalaysay nila sa programa namin, “Hustisya Para sa Lahat sa radyo sa DWIZ 882KHZ.”
Ayon sa karagdagang sinumpaang salaysay ni Rhayven na ibinigay kay Atty Rommel Pereyra ng Public Attorney’s Office sinabi nito,
“Bago mangyari ang insidente ay tinawag ako ni Maribel Ebdane na anak ni SP01 Ebdane. Tinanong niya ko kung bakit daw siya dinuro ni Jomar, sinagot ko siya ng ‘hindi ko alam’ dahil sa hindi ko naman nakita ang panduduro.
Sinabi ni Maribel na pagsabihan ko si Jomar na huwag manduro sa kanila. May nakasukbit na baril ang tatay niya at maging siya ay armado na rin ng kutsilyo. Sa katunayan ay ipinakita pa ni Maribel ang kutsilyo na nasa likod niya at natatakpan ng t-shirt.”
Kasamang nakipag-inuman ni Banong si Serafin ‘Junior’ Almasar na kasamahan niya sa trabaho bilang ‘construction worker’.
Ayon sa kanyang sinumpaang salaysay, “Matapos kaming mag-usap ay bumalik na ako sa inuman namin at sinabi ko kay Jomar ang pinagsasabi sa kanya ni Maribel. Nakita ko ng tawagin ni Maribel si Rhayven at narinig ko ng pinagsasabihan ni Rhayven si Banong.”
Matapos marinig ni Jomar ang mga sinabi ni Maribel ay nagulat siya dahil hindi naman daw niya dinuro ito. Tumayo siya at sinabing pupunta sa bahay nila Maribel para linawin at magpaliwanag sa mga bagay-bagay.
Ayon pa sa dalawang magkaibigan, “Hindi nagtagal ay nakita na lamang namin na sinipa at pinagbabaril na ni SP01 Ebdane si Banong.”
Unti-unting lumalabas ang mga katotohanan sa likod ng pagpaslang kay Banong.
“Kahit na anong dahilan pa walang sinuman ang may karapatan kitilin ang buhay ng kapatid ko. Paano na ang pamilya niya at ang buntis nitong asawa na hindi man lang nasilayan ang kanyang ama,” luhaang pahayag ni Jennifer.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sabihin na natin na nagpunta nga si Banong sa bahay nitong SP01 Ebdane para kumprontahin si Maribel na nagpunta sa kanilang umpukan na may nakasukbit na kutsilyo dahil pakiramdam nitong babaeng(?) ito na nanduduro si Banong sa kanila.
Walang armas itong si Banong at dahil pulis ka at kung manggugulo nga itong si Banong, maari mo siyang arestuhin! Hindi mo dapat basta na lamang binaril ng ilang ulit at tinapos sa pagbaril mo sa kanyang ulo.
Kahit saan anggulo mo ito tingnan MURDER ang dapat isinampang kaso dito at hindi homicide. Maliban na lamang kung sisipatin mo ito sa anggulo ng imbestigador at ng kanyang hepe dahil kabaro nila si SPO1 Ebdane at apelyido niya lamang natakot na ang mga ito. Natatakot dahil maaring kamag-anak niya si Ret. Gen. Hermogenes Ebdane, Jr., na ngayon ay Secretary ng Public Works and Highways niluwagan nila ang tali sa kanyang leeg? Ganun ba ang nangyari Chief?
Nagawa ninyo ang lahat ng ito dahil ang biktima ay isang mahirap lamang at walang kakayahan na lumaban sa legal na pamamaraan o umangal kaya ang takbo ng karamihan sa kanila ay sa amin sa media.
SPO1 Ebdane matapang ka at mabangis na mamang pulis! Subalit, mas mapapabilib mo kami kung ipinakita mo ang iyong tapang sa larangan ng pakikpagbarilan sa mga bank-robbers, kidnap for ranson syndicates, miembro ng sindikato ng droga na pare-parehong may mga baril na kaya kang kasahan. Sa halip isang patpatin na istambay ang binaril mo na parang isang aso na naka-alitan ng anak mo.
Sa mga pamilya ng biktima at mga kaibigan nitong si Banong, sabihin ninyo ang tunay na nangyari at hindi iyong palalabasin ninyo na mangungutang lamang ng pera sa kanyang biyenan si Banong kaya nagpunta siya sa bahay ni SPO1 Ebdane.
“Falsus en uno; Falsus en omnibus.”
Ang ibig sabihin niyan ay magsinungaling ka sa isang bagay, nagsisinungaling ka na sa lahat ng bagay. Sabihin ang katotohanan at pawang katotohanan lamang para hindi masira ang kredibilidad ninyo bilang isang testigo.
Sa taga-usig ng kasong ito, maging patas ka lamang dahil buhay ng isang tao ang pinag-uusapan dito. Sundin mo ang iyong “solomonic wisdom” sa pagreresolba ng kasong ito. Mag-ingat ka dahil pinanonood ka ni Tita Cory!
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maaari rin kayo magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending