^

PSN Opinyon

'Bangis ng Pulis'

- Tony Calvento -

MARAMING ANYO SI KAMATAYAN. Maaaring makikita mo siya sa dulo ng lansangan, maaaring nasa kabilang kanto ito o maaaring kaharap mo na at tinititigan ng deretso sa mata.

Pagdating ng sandaling iyon sinisiguro ko na maki­kilala mo siya!

Nagpunta sa aming tanggapan si Jennifer Sales 29 taong gulang taga Taytay, Rizal.

Taong 2008 ng magsimulang tumira sa bahay niya ang kanyang kapatid na si Jomar ‘Banong’ Sales 23 taong gulang.

“Mas pinili niya na sa akin na lang manirahan dahil ang mga magulang namin ay nasa probinsya. Kasama ni Banong na tumira dun ang kanyang sariling pamilya,” paliwanag ni Jennifer.

Hulyo 22, 2009 bandang alas tres ng hapon ay nag-inuman ang barkada ni Banong. Kasama niya rito sina Patrick ‘Rhayven’ Rivera at si Serafin ‘Junior’ Almasar sa bahay ng mag-asawang ‘Jinky’ at ‘Ronald’.

Naisipan ni Banong na matapos maka-inom ay puntahan ang kanyang biyenan na nagtatrabaho sa ‘di kalayuan na si Nicolas Labian na isang ‘construction worker’.

Nagtatrabaho si Nicolas sa bahay ni SP01 Reynaldo Ebdane na umano’y naka-asayn sa Camp Crame. Ang taong ito ay kamaganak daw ni retired Gen. Hermogenes Ebdane Jr.

Pagdating niya sa tapat ng bahay ni Reynaldo ay tinawag niya si Nicolas. Nagtaka siya dahil sa halip na ang kanyang biyenan ang lumabas ay ang pulis ang humarap sa kanya. May dalang baril itong pulis na ito.

Agad namang lumapit ang mga kasama ni Banong para sila ay awatin.

Ayon sa pinagsamang sinumpaang salaysay nina Rhayven at Serafin, “Bigla na lang lumabas ang pulis na si Reynaldo na may hawak ng baril.”

Wala siyang pakialam dun sa mga taong nasa paligid at maliwanag ang araw ng mga sandaling yun ng biglang tatlong putok ang sunud-sunod na umalingawngaw mula sa baril ni SP01 Ebdane.

Isa sa mga taong nakasaksi ay si Grace Dela Cruz.

Ayon sa kanyang sinumpaang salaysay na ibinigay kay P01 Florence Nacianceno ng PNP Taytay, “Kasalukuyan akong nanunuod ng ‘tong it’ at isang metro lamang ang layo ko sa kanilang dalawa nun. Kitang-kita ko na pinag-tatadyakan niya si Banong na walang laban na nakatawag ng aking pansin at ilang segundo ay binaril na siya ni Reynaldo”.

Bago mawalan ng buhay si Banong ay may mga huling sinabi ito na ‘kuya hindi ikaw ang kailangan ko…’

Naging bingi itong pulis sa paliwanag ni Banong bagkus ay pinaulanan niya ito ng huling tatlong putok.

Sa programa naming Hustisya Para sa Lahat sa radyo sa DWIZ 882KHZ ay idinetalye niya ang kanyang na­saksihan “Bumulagta na si Banong at halos nakaluhod na ito at tila malapit ng malagutan ng buhay ngunit nag­paputok pa rin siya.”

Agad namang tinawag si Jennifer ng mga kakilala nito upang ipagbigay-alam ang nangyari at nakita niyang nakahandusay ang kanyang kapatid.

“Niyakap ko siyang mahigpit. Inilagay ko ang kan­yang ulo malapit sa aking dibdib. Ang isip kong nag­sasabing patay na ang aking kapatid subalit ang puso ko ay nangungusap na hindi siya pwedeng ma­matay,” luhaang ikinuwento ni Jennifer.

Isinugod nila si Banong sa Emergency Hospital ng Taytay napansin niyang wala pang limang minuto mula ng tiningnan ng mga doktor ay sinabi nitong patay na si Banong ‘dead on arrival’ (DOA).

Sa karagdagang impormasyon na ibingay ng mga taga dun matapos ang insidente si SP01 Ebdane ay lumakad sa tapat ng bahay nagbukas ng sigarilyo at tumingin ng isang mayabang at tila naghahamon na tingin sa kanyang paligid kung meron bang kakasa.

Hindi naman nagtagal at mayroon namang mga rumespondeng mga tanod na kusang-loob at mahinahong siyang sumama sa kanilang himpilan. Nakuha rin sa kanya ang gamit niyang .45 kalibreng pistola.

Kinabukasan ay nagpunta si Jennifer sa himpilan ng pulis sa Taytay, Rizal kasama ang mga nakasaksi sa pagpatay kay Banong.

Sa bandang huli ang isinampang kaso ng mga pulis laban kay SP01 Ebdane ay homicide lamang at hindi murder.

Ayon kay Jennifer ay kapansin-pansin ang kakaibang kinikilos ng imbestigador dun na si P01 Florence Nacianceno.

Nang tanungin siya ni Jennifer kung bakit homicide at hindi murder ang isinampang kaso nito ay sinagot nitong “naiipit kasi ako misis…”.

Sa kanilang lugar kilala itong si SP01 Ebdane na siga at maraming ang nagsasabi na ugali nitong manutok ng baril tuwing may nakakaalitan kahit maliit na bagay lamang.

Nainquest itong si SP01 Ebdane ni Prosec. Edwin Infante at dahil homicide ang kasong isinampa ay nakapagpiyansa siya para sa kanyang ‘temporary liberty’.

Makaraan ang ilang araw ay nilisan umano ni SP01 Ebdane ang kanilang bahay kasama ang kanyang pamilya.

ANO ANG DAHILAN bakit biglang namaril itong mamang pulis na ito na si SP01 Reynaldo Ebdane? Bakit ganun na lang ang galit nito sa biktima at binaril niya ito na parang hayop.

Ang kasagutan sa mga katanunagang ito ay bibigyang linaw ng dalawang testigo na kasama ni Banong ng siya ay binaril.

ABANGAN SA LUNES… EKSKLUSIBO dito sa CAL­VENTO FILES sa Pilipino Star Ngayon. 

(KINALAP NI JOANNE M. DEL ROSARIO)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maaari rin kayo magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Email: [email protected]

BANONG

EBDANE

JENNIFER

KANYANG

LSQUO

NIYA

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with