NANGARAP akong gising nang mabasa ang naganap na panghuhuli sa maraming mambabatas, mayor, vice mayor, konsehal, board members at mga rabbi sa New Jersey. Ang rabbi ay ang katumbas ng pari o pastor sa simbahang Hudyo. Apatnapu’t apat na tao ang hinuli at pinosas. Ang dahilan, katiwalian at krimen. Matagal na palang kilala ang New Jersey sa krimen at korapsyon. Mga krimen mula sa ilegal na pagbenta ng mga kidney, mga “padulas” para sa ilang proyekto hanggang sa pagbenta ng mga pekeng mamahaling bag.
Akala ko mas kilala ang New York sa ganitong katangian. Kaya kumilos na ang FBI para hulihin na ang mga taong sampung taon na ring sinusubaybayan. Dala na rin ito ng batikos sa gobernador ng New Jersey na wala raw ginagawa para sugpuin ang kriminalidad sa kanyang estado. At kung itatanong ninyo kung ano ang krimen ng mga rabbi, may isa na inuudyok ang ilang katao na ibenta ang kanilang mga kidney, at ito naman ay ibinebenta ng nakakalulang presyo. Mga nabibili niya ng sampung libong dolyar ay nabebenta nila ng $160,000! Sampung taon na raw ginagawa ito!
Ayon sa isang opisyal na kasapi sa panghuhuli, ito’y mga kriminal na ginagamit ang pulitika at relihiyon para makagawa ng krimen. Mga binebenta ang sarili at tang gapan nila sa mataas mag-aalok ng bayad. At lumalabas na ang mga rabbi pa ang nagpapatakbo ng sindikato! Nangarap akong gising na sana ay ganito rin ang nagagawa natin sa mga opisyal ng gobyerno, pulitiko, pulis at kung sino pa ang sangkot sa korapsyon at kriminalidad. Pero hanggang pangarap lang aabot ang hiling ko. Dito, kahit alam ng lahat na sangkot ang isang opisyal, pulitiko, pulis o kamag-anak ng mga nabanggit, wala pa ring mangyayaring ganyang malawakang panghuhuli at pagkulong.
Sabihin na natin. Mas mura bumili ng tao rito sa Pilipinas kaysa sa Amerika, kaya walang mahuhuli nang ganyan. Sa Pilipinas, kung sinoman ang pinuno ng sindikatong krimen, siguradong may bayad na tao na ito sa lahat ng ahensiya ng gobyerno, pulis at pulitiko. Ang mga krimen na ginawa ng mga nahuli sa New Jersey ay wa-lang ikinaiba sa mga krimen dito. Mas matitindi pa nga ang mga krimen dito dahil milyon-milyong dolyar ang sangkot na halaga! Pero may nahuli na ba? Puro imbistigasyon pa lang na wala namang kinahihinatnan!
Nakakalungkot isipin na wala tayong magagawa na katulad ng nangyari sa New Jersey. Sa totoo nga, mga nahuhuli ay napapakawalan pa, at sa ilang okasyon, pinupuri pa at binibigyan ng dangal! Mga pulitiko, pulis, opisyal ng gobyerno. Suntok sa buwan na lang ang ma-isip ko na mangyayari sa ating bansa ang ganyang klaseng panghuhuli sa mga kriminal, kahit saang tanggapan man sila nakaupo!