^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Naanod na lang ang mga 'bangkang papel'?

-

SA Lunes ang huling State of the Nation Address (SONA) ni President Arroyo. Tiyak na marami siyang ilalahad. Kokolektahin niya ang mga sinabi sa mga nakaraang SONA at lalagyan ng mga mabu­bulaklak na pananalita. Pilit na sasariwain ang mga nakaraang SONA. Pero gaano man karami ang iha­hayag o gaano man kabulaklak ang mga sasabihin, ang bunga at resulta pa rin ang titingnan ng mama­mayan. Nagkaroon ba ng bunga ang mga SONA?

Ang unang SONA ni Mrs. Arroyo noong 2001 ang pinaka-kontrobersiya sapagkat gumamit pa siya ng tatlong batang taga-Payatas para maisalarawan ang mga pangunahing problema ng bansa — kawalan ng pagkain, hanapbuhay, desenteng tirahan at kasalatan sa edukasyon. Ipinaabot nina Jayson Banogan, 10, Jomar Pabalan, 10, at Erwin Dolera, 8, sa Presidente ang problema sa pamamagitan ng mga bangkang papel na pinalutang sa Pasig River. Nakasaad sa liham ni Jason na pangarap niyang makapag-aral hanggang kolehiyo, samantalang sa sulat nii Jomar ay ang pagnanais niyang mabigyan ng permanenteng trabaho ang kanyang ama., habang si Erwin naman ay humiling na ipasara ang Payatas dumpsite at mabigyan ng sariling lote ang kanyang pamilya.

Masyadong madamdamin ang naging sagot ng Presidente sa tatlong bata. Aniya, “Jason, Jomar at Erwin, pakinggan ninyo ako. Pararamihin natin ang mga kababayang may trabaho, pararamihin natin ang mga batang makapag-aaral sa kolehiyo at ang mga kababayan nating may sariling tahanan.”

Walong taon na ang nakararaan mula nang sabihin ni Mrs. Arroyo ang mga pangakong iyon. Si Jason at Jomar ay 18 taon na ngayon samantalang si Erwin ay 16. Meron na kayang regular na pinag­kakakitaan ang kanilang mga magulang, meron na kaya silang sariling lupa at bahay at nakapag-aaral na kaya sila sa kolehiyo? Nasaan na kaya ang tatlo at hindi man lang naiprisinta ni Mrs. Arroyo sa mga sumunod niyang SONA. Baka naman sa Lunes ay maipakitang muli ang tatlong bata (o binata). Sana nga para makita kung mayroong nakitang pagba­bago sa kanilang mga buhay.

Kung walang makitang pagbabago sa tatlong bi­ nata, iisa ang kahulugan nito, nagmistulang bang­kang papel ang kalagayan nila na walang anumang inanod nang malupit na agos ng buhay sa bansang ito.

ERWIN

ERWIN DOLERA

JAYSON BANOGAN

JOMAR

JOMAR PABALAN

MRS. ARROYO

PASIG RIVER

PAYATAS

PRESIDENT ARROYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with