'Hindi ako holdaper.'
MAHIRAP para sa isang ordinaryong tao na mapabilang o mapasama ng hindi sinasadya ang kanyang pangalan sa listahan ng mga notoryus na kriminal sa ating bansa.
Maituturing na malaking hamon para kay Nestor Mutya, itinuturong miyembro umano ng mga kilabot na holdaper ang Alvin Flores Group, na patunayan sa lahat na hindi siya kabilang sa grupong ito.
Makikita ngayon sa ilang mga bangko ang larawan ng mga miyembro ng Alvin Flores Group, nagbibigay babala sa sinumang makakakita sa mga ito. At isa rito ang mukha ni Nestor Mutya.
Nitong nagdaang linggo, ikinagulat ng BITAG ang pagsulpot nito sa aming tanggapan kasama ang kan- yang may bahay. Subalit hindi para sumuko o magbanta, kundi para linisin raw ang kanyang pangalan.
Pinabulaanan nito sa harap ng aming camera na miyembro siya ng mga kilabot na holdaper, sa katunayan raw ay ni hindi niya kilala ang mga ito.
Ang siste, si Mutya ay tubong Misamis Occidental, lugar na pinanggalingan rin ng grupo ni Alvin Flores maging ng dati nitong Waray-waray Group. Bagay na na-ging koneksiyon nito sa grupo kung kaya’t hindi naalis sa amin ang pagdududa.
Sa kabila ng mga banta sa BITAG, kinakailangan ang dobleng pag-iingat. Lalo na ngayong, ginagamit na rin ng grupong ito ang aming pangalan sa kanilang mga operasyon.
Kaya’t isang patibong ang aming inihanda, kinabukasan ay dinala namin ito sa National Capital Region Police Office upang iharap sa kanya ng aming asset na intel officer ang ilang witness sa nagdaang Alabang at Makati bank robbery.
Dito kasi mas naituro si Mutya na kasama nang grupong nanloob sa Parktrade Bldg. sa Alabang at Union Bank Sa Makati.
Sa apat na witness na iniharap sa kanya, negatibo ang naging resulta. Hindi siya itinuro ng mga ito at umano’y hindi nila ito nakita sa nangyaring holdapan.
Halos mapaiyak ang mag-asawa sa loob ng himpilan ng NCRPO, gagawin daw nila ang lahat para malinis ang pangalan ni Mutya.
Subalit hindi ito dito natatapos, dahil unang set pa lamang ng mga testigo ang aming iniharap sa kanya, ayon sa intel officer, may primary witness pa silang ikakasa.
At eto ang aabangan ng BITAG dahil ayon sa isang legal practitioner maaa- ring balikan o sampahan ng kaso ni Mutya ang mga may kagagawan kung bakit nahanay ang kanyang pangalan sa grupong ito.
Nakatutok pa rin kami sa kasong ito.
- Latest
- Trending