'Tahimik ngunit mapanganib'

NAPAKAHIRAP ng nag-iisa sa bahay. Kung may “emer­gency” wala kang makakasama. Tahimik nga ang buhay mo subalit may panganib.

Ito ang kwento ng isang kamag-anak na galing pa ng Limay, Bataan subalit dahil sa takot ay humiling na itago ang kanyang katauhan. Papangalanan nating siyang RUBEN.

 June 15, 2005 ng umaga ng mapansin ng mga kapit-bahay ni Ruben na hindi nagtinda sa palengke ang kapatid niyang si Epifania ‘Fannie’ Baltazar 50 taong gulang.

“Laging nasa palengke talaga si Fannie dahil ito ang kanyang pinagkakakitaan bukod sa pinagsasanglaan siya ng mga titulo ng lupa at ng mga sasakyan. Mag-isa lamang ito sa bahay dahil wala itong anak at ang asawa niya ay nasa ibang bansa nagtatrabaho,” ayon kay Ruben.

Agad namang pinagbigay-alam ng mga kaibigan ni Fannie sa asawa ni Ruben ang pangyayari dala ng pag-aalala kay Fannie. Sinabi na lamang ng misis kay Ruben ang impor­masyon dahil sa may alitan umano sila nung ka­mag-anak niyang si Fannie.

Naisip naman ni Ruben na maaaring lumuwas ng May­nila si Fannie dahil mayroon silang dalawang kapatid na nakatira dun. Naisipan niyang tawagan ang mga ito subalit wala raw dun si Fanny.

“Isang bahay lang ang pagitan namin ni Fannie pero ng mga panahong iyon ay kasalukuyan akong nasa trabaho bilang company driver. Hindi ko naman matawagan dahil wala akong contact number niya,” ayon kay Ruben.

Nagsimula si Ruben mag-alala ng umabot na ng dilim ay hindi pa rin umuuwi si Fannie kaya naman nagpasya siya na pumunta sa bahay ng kapatid.

Bandang alas onse ng gabi ng nakita niyang tila nakabukas ang ilaw ng bahay ni Fannie. Bago pumasok si Ruben sa bahay ay naghanap siya ng tutulong para maakyat ang bakuran dahil sa nakasarado ang gate nito.

“Sabay kaming pumasok sa loob dahil sa madilim at pagkatapos ay napansin kong hindi nakakandado ang pintuan. Hindi ko na naisip na mabuksan ang ilaw dahil sa hindi ko kabisado ang ayos ng bahay at may sinag naman ng liwanag na nagmumula sa banyo,” pahayag ni Ruben.

Habang nilibot niya ang buong bahay ay wala siyang napansin na kakaiba kaya agad na siyang pumunta sa banyo at dun niya natagpuan si Fannie na nakahandusay.

Nabigla siya sa kanyang nasaksihan at halos hindi siya makapaniwala dahil may nakapalupot na ‘electrical wire’ sa leeg nito at puno ng dugo ang damit.

“Nang makita ko siya nanlumo ako dahil ang tindi naman ng galit ng gumawa sa kanya nun,” mariing na sinabi ni Ruben.

Napansin ni Ruben na naubos ang tangke ng tubig ni Fannie at tinakpan ng bimpo ang butas kung saan lumalabas ang tubig sa banyo para hindi lumabas sa likuran ng bahay.

Agad naman umuwi galing ng ibang bansa ang asawa ni Fannie na si Enrico ‘Eric’ Baltazar.

Bago pa man mangyari ang krimen ay may nasabi pa ang biktima sa kanyang labandera na si Virginia Docena-Acayen tungkol kay Erlinda ‘Len-len’ Villaviray Garcia.

Ayon sa sinumpaang salaysay ni Virginia, “may nabanggit sa akin si Fannie na hindi siya makatulog lagi. Tinanong niya kung bakit ang sagot lamang nito ay si Len-len dito natulog kagabi at huwag na raw sabi­hin sa biyenan ni Len-len ang tungkol dun.”

May nakapagsabi rin sa kanyang sinumpaang salaysay na si Pacita Engo na labandera ni Ruben “habang ka­sag­sagan ng sagala sa kanilang lugar may nakita akong kausap ni Len-len na lalaki at napansin kong tinatakpan niya ito habang nakahawak sa kanyang bisikleta.”

Napag-alaman din ni Ruben na may utang si Len-len sa biktima at magmula ng nangyari ang krimen ay hindi na muling nagpakita si Len-len.

Nang araw ng krimen ay nabalitaan niyang nagpa’load’ pa si Len-len ng dalawang beses sa isang malapit na tindahan sa kanilang lugar.

Ayon sa Medico-legal certificate, ‘asphyxia by strangulation’ ang ikinamatay ni Fanny.

Ayon sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) may mga nawawalang mga alahas ang biktima na nagkakahalaga ng 600,000 pesos at pera na umabot ng 20,000 pesos.

Makaraan ang dalawang taon ay nasagasaan si Eric habang nasa ibang bansa.

Sa ngayon may ‘Warrant of Arrest’ laban kay Len-len ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya natatagpuan.

“Sana po ay matulungan ninyo ako na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kapatid ko. Matagal na rin kaming nag-aantay na balang araw ay magkaroon ng liwanag ang kaso ni Fanny,” mariing na pahayag ni Ruben. (KINALAP NI JOANNE M. DEL ROSARIO)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maaari rin kayo magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

* * *

Email: tocal13@yahoo.com

Show comments