Reserbadong gamot?
Sa pagbabasa ko – dyaryong pang-umaga
Masamang balita ang aking nabasa;
Gamot sa flu virus na nananalanta –
Reserbado lang daw sa mayamang bansa!
Itong Pilipinas ay bansang maliit
Sa maraming pera ay gipit na gipit;
Subali’t kay yabang at ang laging giit
Tayo ay bibili gamot sa maysakit!
Ipagpalagay nang tayo’y may pambili
Pero sa tingin ko’y hindi pa rin pwede;
Pambakunang mahal reserbadong sabi –
Sa US at ibang bansang malalaki!
Bakit ba ganito ang takbo ng buhay
Laging sa mapera mga pakinabang?
Paano na tayong sa hirap ay gapang
Wala nang pag-asang mabuhay man lamang?
Parang hindi tama nangyayaring
Dahil sa maliit kawawa pang lalo;
Gamot na pambuhay ay itinatago
Sa katulad nating sa yaman ay bigo!
Hindi lamang tayo ang ngayon ay api
Pati mga bansa na ating katabi;
Sila’y mahirap din at walang pambili
Off limits din sila pagka’t sila’y pobre!
Dito’y kitang-kita na ang kamatayan
Sa mahirap lang ngayo’y nakalaan;
Marapat siguro ay umaks’yon naman
Ang WHO at ang UN ang api’y tulungan!
Producers ng gamot ipatawag nila
Itanong kung bakit palpak ang sistema;
Bakit reserbado lang sa mga mapera
Pagbili ng gamot na sabi’y bakuna?
At saka ang ating nasa sa gobyerno
Ang totoong score sabihin sa tao;
Ito bang flu virus sadyang delikado
Baka namamatay ay iba ang kaso?
- Latest
- Trending