Art. II, Sec. 26 of the 1987 Constitution: “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.” Equal Access? Hindi nito hinihingi na ang lahat ng mamamayan ay mabigyang pagkakataong maglingkod gaya ng mungkahing i-rotate sa bawat isang botante ang mandatory duty na maglingkod sa gobyerno. Ang gusto lang sabihin ay hindi dapat pahirapan ng pamahalaan ang proseso para sa nais makapagsilbi sa bayan.
Kung mayroon mang limitasyon na Saligang Batas mismo ang nagtakda, ito na nga ang kautusang ipagba-wal ang political dynasty. Ang political dynasty ay isang konsepto na naiintindihan ng lahat subalit walang makapagbibigay ng legal definition. Dahil ito na ngang definition ang hindi mapagkasunduan ng ating mambabatas. Ipagbawal daw ito dahil kinikilalang may hindi makatarungang panlalamang ang pamilyang nakapuwesto sa mga oportunidad na maglingkod, lalo na sa mga elective positions. Abuso daw ito ng kapangyarihan.
Ang karaniwang sagot ng kontra sa limitasyong ito ay dapat daw respetuhin ang karapatan ng tao na mamili ng kanilang pinuno. Di ba’t ganun nga ang kahulugan ng demokrasya? Maski ang term limits na ipinapataw ng batas ay paglapastangan din sa prinsipyo na malayang pagpili. Kung gusto namin siya na lang lagi, bakit kami hahadlangan?
Malinaw sa debateng ito na may tensyon sa pagitan ng kalayaang makapamili at sa simulain ng pamahalaang malabanan ang abuso ng kapangyarihan. Ito ang dapat isaisip ng ating mga mambabatas sa paghubog ng isang makabuluhang batas laban sa political dynasty.
Mahigit 20 years nang hindi sinusunod ng Kongreso ang direktiba ng Saligang Batas. Subalit mukhang may nabubuong pagkilos sa direksyong ito. Sa HOUSE ay nagdeklara na si Cong. Edno Joson at sa Senado si Sen. Chiz Escudero na isusulong nila, sa wakas, ang dynasty debates. Ang partisipasyon ng dalawang magiting na mambabatas – kapwa bunga ng pamilyang matatamaan ng batas laban sa dynasty – ay malinaw na pagtabi ng pansariling interes para sa kapakanan ng nakararami. Nawa’y magsilbi itong mitsa upang tuluyan nang maipasa ang dynasty law.
CONG. EDNO JOSON at SEN. CHIZ ESCUDERO
GRADE: 95