EDITORYAL - Wala na bang maipapakain kundi noodles?
IPAGPAPATULOY pa rin naman pala ng Depart-ment of Education (DepEd) ang kanilang feeding program para sa mga batang nasa elementary sa public schools. Maraming nag-akala na itinigil na ito dahil sa pagkakaroon ng kontrobersiya ilang buwan na ang nakararaan. Pero nakakadismaya naman, na noodles din pala ang ipamamahagi sa public elementary students. Wala na bang ibang pagkain na mas masustansiya kaysa sa ipinagmamalaking noodles? Walang pagbabago sa ihahaing pagkain sa mga batang kulang sa sustansiya ang katawan.
Makaraang madiskubre ang mahal na noodles na sinuplay ng Jeverps Manufacturing Corp. agad na kinansela ng DepEd ang kontrata rito. Triple ang halaga ng noodles na isinuplay ng Jeverps at umaabot sa P429-million ang binayad sa kanila ng DepEd para taun-taong magsuplay nito sa public schools.
Ayon sa nasuspindeng noodles supplier, may halong malunggay at itlog ang kanilang noodles na ipinamamahagi sa mga estudyante. Ayon naman sa report hindi sigurado kung totoo ngang masustansiya ang noodles sapagkat wala ni isa mang taga-Bureau of Foods and Drug (BFAD) na nagsupervised sa manufacturing ng noodles. Nang madiskubre ang masyadong mahal na noodles, agad na kinansela ni DepEd secretary Jesli Lapus ang kontrata.
Subalit makalipas lamang ang ilang buwan mula nang madiskubre ang mataas na presyong noodles, muling binuksan ang bidding para sa magsusuply ng noodles sa feeding program ng DepEd. Panibago raw bidding para hindi na maulit ang kontrobersiya.
Subalit nakapagtataka nga na noodles din pala ang ibibigay sa mga estudyante kapag nagkaroon na ng panibagong supplier. Ano ba ito? Sawang-sawa na sa noodles ang mga bata pero ito rin pala ang ipakakain. Bakit hindi tinapay at gatas ang ibigay sa mga estudyante? Karamihan sa mga bata ay noodles na ang kinakain dahil sa kakapusan ng kanilang mga magulang. Tutal naman at bago na ang magsusuplay ng pagkain, sana iba naman ang ipagkaloob. Huwag na sanang noodles na ang sangkap ay arina, asin at betsin. Hindi ba maaaring gatas at tinapay ang ipagkaloob sa mga bata?
- Latest
- Trending