Sori na lang sa planners ng 'Oplan August Moon'
HALOS sampung buwan na lang at elections na subalit hindi pa rin nagpapahinga ang mga kalaban ni President Gloria-Macapagal Arroyo para mapatalsik siya sa puwesto. At ang masama n’yan, nagpakalat ng text messages ang grupong naglalaway sa puwesto ni GMA para mag-away ang mga opisyales ng AFP at PNP. Ang tinutukoy ko ay ang Oplan August Moon kung saan ang PMA Class ’78 ay nirereto sa seniors nila. Subalit sa tingin naman ng mga kausap ko sa MPD, walang epekto itong mga isyu na ikinakalat para awayin ng seniors nila ang Class ’78 dahil panay walang katotohanan naman ang mga ito. Kaya’t hindi pinansin sa AFP at PNP ang Oplan August Moon dahil abot nila na may gusto lang gumanti sa administration ni GMA na pulitiko. May kinalaman kaya ang pagbalik ni ex-Col. Cesar Mancao sa kaguluhan na kumakalat ngayon? Hehehe! Ano sa tingin mo Sen. Ping Lacson Sir?
Subalit kahit masigabo ang pambobomba sa Ombudsman office sa Quezon City at maingay din ang pag-play up ng pagkarekober ng bomba sa opisina ni Agriculture Sec. Arthur Yap, walang kumagat sa isyu na dulot nito. Karamihan kasi sa mga Pinoy ay kibit balikat na lang sa isyu at kinondisyon na lang ang mga sarili na antayin ang May elections para palitan si GMA. Isinusuka na nila ang kaguluhan. Kung sabagay, maaaring kumita ng konti ang mga Pinoy, lalo na ang masa, sa ilang hakbangin para mapatalsik si GMA sa puwesto nitong nagdaang mga taon, subalit nagtagumpay ba sila? Sawa na ang mga Pinoy na malatayan ng yantok ng mga pulis eh kararampot lang naman ang iniabot sa kanila ng prime movers nito. Kaya’t tama na ang kaguluhan at antayin na lang ang elections. ‘Yan ang panawagan ng mga Pinoy! Hehehe! Sori na lang sa mga planners nitong isyung Oplan August Moon.
Pero ang tanong, sino ang nasa likod ng umano’y destabilization plot? Aba ok na tanong ‘to ah! Kung ang military ang tatanungin, may grupo ng sibilyan na bayaran ng isang pulitiko ang nasa likod ng bombings at mga negatibong isyu sa diyaryo, TV at radyo. ’Ika nga full blast ang propaganda operation nila para nga magalit ang sambayanan sa gobyerno ni GMA at umalsa sila. Ang tinutukoy ng military ay isang pulitiko na ang sinisisi sa lahat ng problema ng bansa ay si GMA. Para bang walang nagawang kasalanan ang pulitiko eh marami rin siyang uling sa mukha, di ba Col. Mancao Sir? Hehehe! Mahilig pala sa GMA-bashing ang pulitiko eh wala naman siyang masabi kung paano giginhawa ang bansa natin.
Kaya pala kung anu-ano na ang iniisip nitong pulitiko eh me kinalaman din itong Oplan August Moon sa pagbalik ni Mancao sa bansa. Si Mancao ay nag-pead ng not guilty sa pagpaslang kina publicist Bubby Dacer at driver na si Manny Corbito at sa ngayon ay naging state witness na. Mukhang maraming sasabihin si Mancao kaya me nanggugulo. Abangan!
- Latest
- Trending