Napapag-Usapan na naman ang lindol. Ilang artikulo na ang lumalabas sa mga pahayagan ukol sa babala na baka napapanahon na naman ang isang malakas na lindol sa Pilipinas. Kung natatandaan ninyo, ang huling malakas na lindol sa Pilipinas ay noong 1990, kung saan maraming namatay at nasirang gusali sa Metro Manila, Cabanatuan, Dagupan at Baguio. Umabot na nga sa ilang mga kaibigan ko na nagtatanong kung saan dumadaan ang tinatawag na Marikina Fault Line. Sa aking pagkakaalam, pwedeng magtanong sa Phivolcs kung saan eksaktong dumadaan ang fault line
Ang Pilipinas ay nasa tinatawag na “Ring of Fire” ng karagatang Pasipiko. Kaya marami tayong mga bulkan, maging buhay o tulog, at madalas makaranas ng lindol. Sa totoo lang, lumilindol araw-araw, pero hindi malakas na mayayanig tayo. May mga instrumento na makakaramdam ng maliliit na kibo ng lupa. Kapag ang isang pagkibo o paggalaw ng lupa ay umabot ng takdang lakas, iyon ang mga nararamdaman natin. Wala rin naman tayo magagawa para pigilin ang isang lindol, at wala pa ring kakayanan sa buong mundo para malaman kung kailan lilindol.
Ang mahalaga lang ay handa tayo para sa ganyang kalamidad. Sapat na pagkain at tubig para sa tatlong araw lagi sa bahay, mga baterya para sa radyo. Maganda rin kung may perang nakatabi para sa ganyang sitwasyon, at baka hindi gumagana ang mga ATM kapag kailangan na. Dapat alam kung saan pwedeng magtago o magpunta kapag nagaganap na ang lindol. Kapag nasa loob ng bahay, huwag nang lumabas at magtago sa ilalim ng isang matibay na mesang kahoy. Lumayo sa mga salamin at bintana, at lumabas ng kusina kung doon inabot. Kung nasa labas ng bahay, lumayo sa mga linya ng kuryente, mga gusali at puno. Kung nagmamaneho, itabi na muna ang sasakyan sa malawak na lugar nang hindi mahulugan ng anumang bagay.
Labinsiyam na taon na nga ang lumipas magmula nang tamaan tayo ng malakas na lindol sa Metro Manila. Pero hindi ibig sabihin na may parating na. Hindi naman naiipon iyan, katulad ng paniniwala ng iba. Kung lilindol, lilindol. Gaano kalakas, walang makakapagsabi.
Kaya huwag magpapadala sa takot at pangamba. Basta maging handa, at siyempre, magdasal na huwag tayong tamaan muli ng isang malakas na pagyanig. At kung mangyari naman, ay maging ligtas sa disgrasya at pinsala.