Ano pa kaya ang nakakaligtaan?
Umupo ang lalaki sa metro station sa Washington DC at nagtutugtog ng violin. Anim na piyesang classical ni Bach ang tinipa niya sa 45 minutos. Dahil rush hour libo-libong tao ang dumaan papasok sa trabaho. Sa unang tatlong minuto, isang lalaki edad-40 ang nakapansin sa musika, binagalan ang paglalakad, tapos umalis na rin. Makalipas ang isa pang minuto, may babaeng naghulog ng $1 sa violin case pero ni hindi huminto o tumingin. Ilang minuto muli, may sumandal sa pader para makinig, tapos tumingin sa relos at nagmadaling umalis. Ang tanging matagal pumansin ay isang batang edad-3, na patuloy nililingon ang musikero habang hinila ng ina. Gay’un din ang marami pang ibang bata, na lahat ay halos kaladkarin na ng mga magulang.
Sa 45 minutong pagtutugtog, anim katao lang ang huminto’t nakinig nang ilang saglit. Dalawampu ang naghulog ng limos nang walang hinto-hinto. Nakakolekta ang lalaki ng $32. Nang matapos na siya’t humalili ang katahimikan, walang nakapansin, walang pumalakpak, walang nakakilala.
Lingid sa kaalaman ng madla, ang violinist ay si Joshua Bell, isa sa pinaka-mahusay na musikero sa mundo. Tinugtog niya ang ilang pinaka-kaakit-akit na piyesa sa biyoling halagang $3.5 milyon. Dalawang araw bago tumugtog sa subway, nag-perform si Bell sa isang teatro sa Boston: Sold out ang mga tiket na tig-$150.
Totoong script ito. Ang pagtugtog ni Bell nang incognito sa metro station ay bahagi ng eksperimento ng Washington Post sa pagpapahalaga ng tao. Ang tanong: Sa kakaibang lugar at oras, napapansin ba natin ang magaganda, humihinto ba tayo para langhapin ito, at nababatid ba natin ang kagalingan sa hindi inaasahang sitwasyon?
Ang masaklap ay nang lapitan ng isang sobrang sigasig na permits officer ng siyudad si Bell at inusisa kung may pahintulot tumugtog sa subway. Walang maipakitang permit; minultahan ng $88. Leksiyon: Kung wala tayong panahon huminto’t makinig sa pinakamahusay na musika, musikero at instrumento, ano pa kaya ang ibang nami-miss natin?
- Latest
- Trending