EDITORYAL - Matuto sa nangyari sa Princess of the Stars
ISANG taon na ang nakalilipas mula nang bayuhin nang malakas na hangin ang barkong Princess of the Stars sa karagatang malapit sa Sibuyan Island sa Romblon. Sa nangyaring paglubog, mahigit 700 katao ang namatay. Umalis ang barko kahit nakaanunsiyo na ang signal number 2. Nang nasa karagatan na sa Sibuyan, eksaktong tinatahak ng bagyong Frank ang lugar at nasapol ang Princess of the Stars. Tumaob ang barko at hanggang sa kasalukuyan ay naroon pa rin sa lugar ang barko. Hindi pa naibabalik sa dating ayos. May mga bangkay na narekober sa loob subalit marami pa rin ang nawawala. Unang napabalita na may kargang chemical ang barko.
Isang taon na ang nakalilipas subalit nananatili namang uhaw sa hustisya ang mga biktima. Marami pa rin ang hindi nababayaran. Marami pa rin ang patuloy na umaasa na maipagkakaloob ang hinihingi sa kompanya.
Ang paglubog ng Princess of the Stars ay maraming aral na dapat kapulutan. Unang-una na ang pagpapatupad ng Coast Guard sa pagyayaot kahit na merong anunsiyo ng bagyo, Nakapagtataka rin naman kung bakit hina- yaan ng Coast Guard na makapaglayag ang barko kahit may masamang anunsiyo sa lagay ng panahon.
Ipatupad ng Coast Guard ang pagbabantay sa mga barkong aalis lalo at may anunsyo ng bagyo. Hindi dapat hayaang makapaglayag kapag signal number 2. Mas makabubuti kung babaguhin ang guidelines ng mga aalis na barko para makaiwas sa malubhang trahedya.
Ipagkaloob naman ng barko ang nararapat na kabayaran sa mga naulila ng trahedya. Hindi na sila dapat pahirapan.
- Latest
- Trending