Kalagayan ng OFWs sa Kuwait
SA aming naging pagbisita nina Presidente Erap at aming panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada kamakailan sa Kuwait, nakita namin kung paano naghihirap at lumalaban ang mga tinaguriang “bagong bayani” ng bansa.
Kami ay mapalad na naimbitahan ng Pilipino community at ng Philippine Embassy sa pangunguna ni Ambassador Ricardo Endaya upang makibahagi sa pagdiriwang ng ating mga kababayan doon ng ika-111 taon ng ating kalayaan.
Gayong napakainit ng naging pagtanggap ng mga Pilipino roon sa aming pamilya at delegasyon, nakakalungkot mamasdan na napakaraming overseas Filipino workers ang kasalukuyang stranded at nakatira sa Filipino Resource Center sa Embahada ng Pilipinas doon.
Sa isinagawang dayalogo ni Jinggoy, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, sa mga “runaways” sari-saring kuwento ng pang-aabuso ng employers, panlo-loko ng illegal recruiters at iba pa ang aming napakinggan.
Kasalukuyang mayroong mahigit isang daang runaways ang nagsisikan sa FRC at naghihintay na makauwi sa Pilipinas o kaya ay makapagtrabahong muli para sa kanilang pamilya, matapos maplantsa ang problema nila sa kanilang employers.
Mayroon ding 28 OFWs ang kasalukuyan nakaku- long sa Kuwait sa salang murder, physical assault, fraud, liquor case at love case. Apat sa kanila ay hinatulan ng habambuhay na pagkakulong, habang isa naman ay hinatulan ng kamatayan.
Ang first-hand information na ito ang magiging batayan ni Jinggoy upang mag-akda o pagtibayin pa ang mga batas na proteksyon ng ating mga OFWs.
Ani Jinggoy, mas magiging makahulugan ang pagkilala natin sa ating mga “bagong bayani” bukod sa patuloy na pagpuri sa kanilang kabayanihan, kung maagap na matutugunan ng pamahalaan ang kanilang mga pangangailangan sa legal assistance, repatriation funding, immediate rescue and response to distressed OFWs, at pagsugpo sa illegal recruitment.
Sa mga gustong lumiham kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, ipadala lang ang inyong mga liham sa kanyang tanggapan sa Room 602, Senate of the Philippines, GSIS Bldg., CCP Complex, Pasay City. Ipagpaumanhin po ninyo na hindi tinutugunan ng tanggapan ang mga solicitation letter.
- Latest
- Trending