Trangka-baboy
NANG unang sumulpot sa Pilipinas ang (A)H1N1 influenza, araw-araw ay banner story sa broadsheet man o sa tabloid ang mga bagong kumpirmadong kaso. Tampok na balita rin iyan sa radyo’t telebisyon. Nagdulot ito ng matinding takot sa marami. Nagkausuhan ang pagsusuot ng protective mask ng mga taong nagpupunta sa mga pampublikong lugar.
Sa ibang salita, ang tawag dito ay “swine flu” na kung tatagalugin nang pabalbal ay “tangka-baboy” o trangkaso ng baboy.
Matinding takot ang nilikha nito sapul nang i-anunsyo ng World Health Organization (WHO) ang isang global pandemic ng karamdamang ito.
Lumolobo pa rin ang bilang ng mga dinadapuan ng sakit na ito pero salamat sa Diyos dahil ang lahat ay gumagaling ng matiwasay at walang naitatalang fatality o namatay dahil sa sakit. Mas marami pa nga ang namamatay sa ibang karamdamang gaya ng dengue.
Sa tingin ko, dumarami ang bilang ng (A)H1N1 dahil may nagmomonitor at nagbibilang at ang statistics ay inilalathala ng media. Nagkaroon ng public awareness. Pero kung tutuusin, mas marami ang namamatay sa ibang sakit na hindi natin pansin dahil hindi inihahayag ng radyo, telebisyon at pahayagan.
Sa katunayan, wala naman tayong dapat ipangamba dahil tulad lang ito ng ordinaryong lagnat na kusang gumagaling kahit hindi gamutin. “Self limiting” wika nga ng Department of Health.
Nang magkausap kami ng anak ko sa Amerika, ang sabi niya, ni hindi na pinapansin ang usaping ito sa naturang bansa.
Ano ang naging epekto ng (A)H1N1 scare sa Pilipinas? Kumita ang mga pharmaceutical companies at mga pagamutan dahil dumami ang mga nagpapa-checkup, tumaas ang benta ng mga gamot at bakuna.
Hindi ko sinasabing huwag intindihin ang sakit. Ang ibig ko lang sabihin ay tila blown out of proportion ang issue at masyadong nag-panic ang ibang tao. Ang takot ko lang (huwag sanang mangyari) baka may sumulpot na talagang matinding karamdaman na i-aanunsyo ng WHO pero hindi na seseryosohin ng tao. Parang yung istorya ng “Boy who cried wolf”.
- Latest
- Trending