EDITORYAL - Panawagan sa DepEd ukol sa school opening
MARAMING sakit na nakukuha kung panahon ng tag-ulan at ang naka-exposed sa mga sakit ay walang iba kundi ang mga batang mag-aaral. Ngayong school year lamang nangyari na naurong ang klase sa kolehiyo dahil sa pananalasa ng AH1N1 flu virus. Naipagpaliban ng isang linggo ang pasok para hindi magkahawa-hawa ang mga estudyante lalo pa’t karaniwang biktima ay mga estudyante.
Sa nangyari, dapat na ngang baguhin ang school opening. Isang panawagan sa education secretary na dapat bigyang pansin. Ilipat na sa summer ang pagbubukas ng klase para hindi naman masayang ang mga araw ng mga estudyante. Dapat nang matuloy ang ganitong balak na ilang taon na ring panukala ng nakararami.
Hindi lamang ang pananalasa ng swine flu ang matinding dahilan kung bakit ang panawagang gawing tag-init ang pasukan, kabilang nga rito ang grabeng baha. Kaunting ulan lang lubog na ang Maynila. Sa unang linggo ng pasukan, sinuspinde agad ang klase dahil maraming bahagi sa Maynila na lubog sa baha.
Asahan na ang ganito sapagkat ang Hunyo ay talaga namang panahon ng tag-ulan. Ang Hulyo, Agosto, Nobyembre at Disyembre ay panahon din ng pag-ulan at pagdalaw ng mga malalakas na bagyo. Kung tutuusin ay mahaba ang panahon ng tag-ulan kaysa tag-araw.
Marami na ang nagpanukala at nagsuhestiyon na gawing summer ang pagbubukas ng klase. Kung summer ang school opening, tiyak na makaiiwas sa matinding ulan at pagbaha ang mga estudyante. Bukod diyan, makaiiwas din sila sa mga sakit na nakukuha kung panahon ng tag-ulan at pagbaha kagaya ng leptospirosis at dengue.
Kung ang school opening ay mula January hanggang May (first semester) at September hanggang December (second semester) tiyak na makaiiwas sa malulubhang pag-ulan at baha ang mga estudyante. Hindi na rin magkakaroon ng mga pagsisihan sa pagsuspinde ng klase. Lagi nang urung-sulong ang DepEd sa pagsuspinde sa klase at saka lamang nakapagdedesisyon kapag nakapasok na ang mga estudyante. Atrasadong magdesisyon kaya naman umaangal ang mga magulang.
Pag-aralan sana ng mga susunod na mamumuno sa bansa ang tungkol sa school opening na dapat gawin kung panahon ng summer.
- Latest
- Trending