'Babala sa mga nagpapakilalang BITAG kuno!'
May ilang taon na ring ginagamit ang pangalan ng BITAG ng iba’t ibang impostor at nagpapanggap na kung sinu-sinong Poncio Pilato.
Ito’y dahil ipinupronta nila ang aming pangalan para maisagawa ang kanilang modus ng pangongotong, panghihingi o panso-solicit ng kung anu-anong bagay tulad ng pera, pagkain at anumang regalo.
Ilang beses na ring ginamit nang maraming kolokoy ang aming pangalan upang manakot, magyabang, umastang astig at maghari-harian sa kanilang mga teritoryo.
Nitong Lunes, Hunyo 15, isang tawag ang natanggap ng BITAG mula sa empleyado ng Philippine Tourism Authority (PTA), hinggil sa isang Jun Cariño’ng nakikipag-usap sa kanilang tanggapan.
Pakilala raw nito na staff daw siya ng BITAG at nais lamang humingi ng tulong dahil sa namatay niyang anak.
Hindi na bago sa BITAG ang PTA dahil ilang beses na ring napaunlakan nito bilang opisyal na “media partner” sa pag-eendorso ng lokal na turismo ng bansa kaya alam nila na hindi ganito ang estilo ng BITAG.
Kaya naman, kilos prontong kinumpronta ng BITAG si Jun Cariño.
Sa tanggapan ng PTA, gulpi de gulat, itong si kolokoy, nang makaharap ang tunay na BITAG. Hindi malaman nito kung paano lulusot sa tinahi niyang kasinungalingan.
Palusot ni Carino, wala raw siyang intensiyong gamitin ang pangalan ng BITAG.
At ang sinasabi niyang BITAG ay isang tabloid newspaper.
Bagaman nagdahilan na ito, pinangaralan pa rin ng BITAG ang aming nakaharap. Tiklop naman ang tuhod nito sa pag-amin sa kanyang maling paraan ng paghingi ng tulong.
Tantiyado na namin ang aming kausap, alam naming kung hindi naagapan ng tanggapan ng PTA ang kanyang pagpapanggap, nagamit na naman ang aming pangalan.
- Latest
- Trending