EDITORYAL - Tutukan din ang pagdami ng mga nagkaka-dengue
MARAMI nang nagkakaroon ng dengue su- balit ang health department ay sa AH1N1 flu virus nakatutok. Noong nakaraang linggo, halos araw-araw ay nagbibigay ng update ang DOH sa mga nabibiktima ng AH1N1 at wala namang ba-bala na dapat ding mag-ingat ang mamamayan sa pagkalat ng mga lamok na may dengue. Ayon sa DOH marami na ang naitalang kaso ng AH1N1 at tumataas pa. Noong Biyernes, dineklara ng World Health Organization (WHO) na pandemic na ang swine flu na ang ibig sabihin ay marami nang tao ang kinapitan ng virus.
Pero ang sabi naman ng DOH hindi gaanong mabagsik ang virus na nananalasa sa Pilipinas. Sa report, pinakamataas na ang bilang ng mga kaso sa Pilipinas sa buong Southeast Asia.
Kung hindi naman pala mabagsik ang virus, walang dapat ipangamba rito. Hindi rin naman sana sobra-sobra ang ginagawang pagtutok dito na para bang tinatakot na ang mamamayan. Kung may dapat na tutukan ang DOH at iba pang ahensiya ng pamahalaan, iyan ay walang iba kundi ang pagkalat ng dengue na tumaas na ang bilang ng mga nabiktima.
Mas mataas pa ang bilang ng dengue victims kaysa AH1N1 na ayon sa huling report ay mahigit 1,000 na. Nakamamatay ang dengue at ang mga sintomas ay ang isang linggong pabalik-balik na lagnat, pagkakaroon ng spots sa balat, pag susuka at pagtatae. Kapag nakita ang ganitong sintomas, agad na kumunsulta sa doktor.
Wasakin ang mga tirahan ng lamok (Aedis Aegypti) na nagdadala ng dengue para hindi dumami ang mga ito. Ang kalinisan sa kapaligiran ang susi para hindi mabuhay ang mga mamamatay-taong lamok.
Kung ang DOH ay nabibigyan ng atensiyon ang AH1N1 dapat din nilang tutukan ang dengue at iba pang sakit ngayong tag-ulan.
- Latest
- Trending