EDITORYAL - Parang manok na pinapatay
IKALAWA ang Pilipinas sa bansang pinakadelikadong lugar para sa mga journalists. Nangunguna ang Iraq na maraming journalist ang pinatay ng mga militante. Ang kaibhan nga lamang, may giyera sa Iraq at naglalaban-laban ang mga kapwa Iraqi, pero sa Pilipinas, walang giyera at parang manok na pinapatay ang mga journalist. Pinakamarami ritong pinatay na komentarista sa radyo at kolumnista sa diyaryo. Kaya hindi masisisi ang New York-based Committee to Protect Journalists para sabihing delikadong bansa ang Pilipinas para sa mga mamamahayag. At sa kabila ng mga pagpatay sa mga journalist, wala namang makitang aksiyon sa pamahalaan para mapigil ang ganitong gawain o kaya’y madakip ang “utak” sa pagpatay.
Noong Martes ng umaga, isa na namang journalist ang pinatay at maaaring maisama na naman siya sa listahan ng mga hindi malulutas na kaso. Pinatay sa saksak ang radio broadcaster na si Crispin Perez, 66, habang nakikipag-usap sa isang lalaki sa harap ng kanyang bahay sa Bgy. 7, Occidental Mindoro, dakong alas-diyes ng umaga. Hindi pa nakuntento ang suspek, binaril pa si Perez ng ilang beses bago tuluyang tumakas. Isinugod si Perez sa isang ospital pero namatay habang nasa daan. Bukod sa pagiging broadcaster, isang abogado, dating vice governor at board member din si Perez. Ayon sa mga pulis, katatapos pa lamang umano ng radio program ni Perez nang siya ay patayin. Ayon sa isang opisyal ng lalawigan, maraming kaaway si Perez dahil sa pagbatikos nito sa supply contract sa pagitan ng local cooperative at private power firm.
Si Perez ang ika-41 journalists na napatay sa ilalim ng Arroyo administration. Noong January napatay si Badrodin Abbas at makalipas ang isang buwan, si Ernesto Rollin ng Ozamis City naman ang itinumba. Noong nakaraang linggo, napatay ng sindikato ng droga si Jojo Trajano ng tabloid Re-mate at ngayon nga ay si Perez.
Mula noong February 1986, 77 journalists na ang parang manok na pinapatay at karamihan dito ay hindi nalulutas. Patuloy na nakalalaya ang mga pumatay at ang “utak” ay patuloy na nabubuhay para marahil umutang pa ng buhay ng mga mamamahayag. Kumilos sana ang pamahalaan para maproteksiyunan ang mga mamamahayag.
- Latest
- Trending