Hustisya sa Pinoy drivers na biniktima ng CYM
SA ginawang pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado hing-gil sa sinapit ng 137 Pinoy drivers na na-stranded sa Dubai, hindi na naman sumipot si Connie Paloma, operations manager ng CYM International Services and Placement Agency na nambiktima sa mga driver.
Ang pagdinig ay pinamunuan ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment.
Una rito, ibinunyag ni Jinggoy na bukod sa CYM ay sabit din sa sinapit ng mga driver ang 11 pang ahensiya, partikular ang: Across Universe International Manpower Agency; Al Anwar International Manpower Services, Inc.; BML Worldwide International Manpower Services, Inc.; Bridgewood Human and Recruitment Agency; Dreams Manpower and Recruitment Agency; Experts Placement Agency; Hana Star Corporation; Jenvic International Manpower Services; Richfield Overseas Employment Company; SGA-Shahara International Manpower Services; at Vigor International Manpower Services.
Sa 137 driver, 76 ang nananatiling stranded sa Dubai; ang iba ay nakauwi na sa Pilipinas habang ang iba ay nakalipat na ng trabaho.
Malaking problema nila ngayon ang kataka-takang naging utang nilang tig-P1.9 milyon mula sa P150,000 lang na “placement fee loan” na pinapirmahan ng CYM sa kanila, kaya sa susunod na pagdinig ay pinadadalo rin ni Jinggoy ang mga banko, loaning agency at insurance company na sangkot din sa naturang isyu, kabilang ang Asia United Bank, Paramount Life and General Insurance Corp., HQR Technical Insurance Agency, East West Bank, at RJJ Lacaba Lending Company.
Patuloy na tutukan ang usaping ito hanggang maka-mit ang hustisya para sa mga nabiktimang Pinoy driver.
Sa mga gustong lumiham kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, ipadala lang ang inyong mga liham sa kanyang tanggapan sa Room 602, Senate of the Philippines, GSIS Bldg., CCP Complex, Pasay City. Ipagpaumanhin po ninyo na hindi tinutugunan ng tanggapan ang mga solicitation letter.
- Latest
- Trending