^

PSN Opinyon

Ngiti naman diyan

SAPOL - Jarius Bondoc -

Ina Siya ng tatlo nang bumalik sa kolehiyo. Huling subject na niya ang Sociology. Nakaka-inspira ang propesor, kaya ganado siya sa inatas sa klase na huling proyekto. Pamagat nito’y “Ngumiti”, at bawat estudyante ay lalabas at ngingiti sa tatlong tao para itala ang resulta.

Palabati siya, kaya para sa kanya’y madali lang ang class project. Kinabukasan, bumabagyo, tumungo sila ng mister at bunso sa hamburger joint. Walang pasok kaya pagkakataon mag-quality time sa isa’t-isa. Nakapila sila para um-order nang biglang nagsilayuan ang mga tao sa paligid. Pati mister niya napaatras.

Hindi siya umalis sa kinatatayuan, pero nakaramdam ng kilabot gumapang sa batok. At noon niya naamoy ang matinding sangsang ng maruming katawan ng tao. Nili-ngon niya kung saan nanggagaling ang baho, at na­pansin ang dalawang hukot at matatandang pulubing lalaki.

Nang titigan niya sila, ngumiti ang unang pulubi. At nakita niya sa mata nito ang paghingi ng pagtanggap. “Magandang araw,” anang pulubi habang binibilang ang barya sa kamay. Humuhuni-huni sa sarili ang isa pang pulubi, kaya nabatid ng estudyanteng ina na sinto-sinto ito at umaasa lang sa unang pulubi para sa kapakanan.

Nginitian din niya ang dalawa at pinauna sa pila. “Isang kape lang sa amin, Miss,” anang unang pulubi sa salesgirl. “Hati kami, pampainit lang, kasi malamig ang ulan sa labas.”

Nang siya na ang oorder, ibinili niya ng tig-isang almu­sal ang mga pulubi. Ihinatid niya ito sa mesa kung saan naghahati ang dalawa sa kape. Niyakap niya ang unang pulubi, at lumuluhang sinabihan, “Napakalaki ng puso mo, mapagmahal ka’t ma­tulungin, ito ang munting regalo ko.”

“Salamat,” muling ngiti ng pulubi. Pati ang sinto-sintong kasama ay ngumiti at tumango, tila naiin­tin­dihan ang eksena. Nang umupo na siya sa mesa ng mister at anak, hinalikan siya nito. “Napa­kalaki ng puso mo, kaya nag­pa­pasalamat ako sa Diyos na binigay ka   Niya sa   akin.” Lahat din ng mga tao sa paligid nakangi-ti sa kanya. Nang i-submit niya ang report, naantig ang prope­sor at humingi ng pahintulot na ikalat sa In­ternet ang true story na ito.


DIYOS

INA SIYA

NANG

NIYA

PATI

PULUBI

SHY

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with