^

PSN Opinyon

'Gold-ilocks, ginintuang puso ba...'

- Tony Calvento -

Hindi natin makakaila na sa kalsada umiikot ang buhay ng tao. Matapos sabihin yan, maraming maaring mangyari sa “kalsada ng ating buhay.”

Isinalaysay sa amin ng isang ina ang kanyang karanasan tungkol sa kanyang anak. Siya ay si Turiana “Turing” Guevarra, 70 taong gulang ng Pasig City.

Taong 1998 ng may mangyari sa anak ni Turing na si Ronaldo “One” Guevarra, 32 taong gulang, may asawa at dalawang anak.

March 19, 1998 bandang alas-dos ng madaling-araw nang makaramdam ng gutom at maisipan ni One na bumili ng makakain sa isang tapsihan.

Gamit ang isang ‘bike’ ay nagtungo ito sa may Stella Marris St., Maybunga Pasig City. Habang binabaybay niya ang kalyeng ito, nasa likuran niya ang isang L-300 Goldilock’s van na may plakang VMN-832.

Ayon sa mga nakakita, mabilis ang takbo ng naturang sasakyan at kapabayaan ng drayber tinamaan at nakaladkad nito si One.

Isinugod siya ng mga manggagawa ng kalsada sa Pasig General Hospital dulot ng mga sugat na kanyang natamo.

Ipinagbigay alam agad ng Parian Cillo Police ang nangyari sa mga kamag-anak nito na sina Turing at Maritess Guevarra, asawa ni One. Pagdating doon ay inabutan nilang nag-aagaw buhay na ito.

“Wala na tayong magagawa napatid na ang ugat na nag-uugnay sa ulo at katawan niya” pahayag ng doctor.

Halos bumagsak ang mundo ni Turing ng madinig ang pahayag na ito ng doktor at walang nagawa kundi magdasal at umasang may himalang mangyayari sa kanyang anak.

Sa kasamaang palad ilang minuto lang ay binawian na agad ng buhay si One.

March 20, 1998 nagpasya ang mag-anak na magsampa ng demanda sa akusado ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide.

Kinilala ang suspek na si Alberto Fabia, napag-alaman na hindi pala lisensyadong drayber si Alberto kundi isa itong security guard ng Goldilock’s Bakeshop.

Base sa imbestigasyon ng mga pulis marami nilabag na batas ang drayber ng Goldilock’s van. Una sa pagkuha ng sasakyan ng walang pahintulot mula sa kumpanya at pagmamaneho ng nakainom o ‘lasing’ hanggang sa kanyang kapabayaan at pagiging barumbado na ang resulta ay isang grabeng aksidente.

Maliban pa dito wala din itong ‘driver’s license’ dahil hindi talaga ito marunong magmaneho. Kung kulang pa ito nilabag din niya ang bawal na pagdadala ng baril dahil bitbit niya ang baril na isyu sa kanya ng agency ng maganap yung aksidente gayung hindi naman siya “on-duty.”

Sinampahan siya ng “Reckless Imprudence resulting to Homicide and Serious Physical Injuries.” Maliban pa dito kinasuhan din siya ng Illegal possession of Firearms. Tumagal ng halos isang taon ang paglilitis kay Alberto.

Taong 1999, naglabas ng desisyon ang Judge ng Metropolitan Trial Court Branch 69 ng Pasig City na patawan ng sentensya ng “Dalawang taong pagkakulong at magbayad ng danyos na 50,000 pesos si Alberto sa pamilya ni One matapos nitong aminin ang kanyang pagkakasala.

Iginiit ni Alberto na hindi niya kayang bayaran ang danyos na napagdesisyunan sa korte.

“Kung may magagawa lang ako magbabayad ako kaso nga lang mayroon pa akong binubuhay na dalawang anak” pahayag ni Alberto.

 Hindi matanggap ni Maritess ang dahilan ni Alberto.

“Hindi pwedeng hindi mo kami bayaran, maawa ka naman sa amin namatay ang asawa ko dahil sa kapabayaan mo at ngayon mag-isa na lang akong magtataguyod sa mga anak ko.”

Nabalewala ang mga pahayag na ito ni Maritess dahil ni isang kusing ay wala itong natanggap na tulong galing kay Alberto.

Taong 2001, nagpasya muli ang pamilya ng biktima na mag-demanda naman laban sa Goldilock’s Bakeshop at Combined Blue Dragon Security Agency dahil sa hindi din nito pagtulong. Tumagal ng anim na taon ang paglilitis sa kaso,

“Sinabi ng Goldilock’s na wala silang pananagutan sa nangyari sa aking anak dahil hindi nila empleyado si Alberto at ang may hawak daw dito ay ang Combined Blue Dragon Security Agency” pahayag ni Turing.

Nilinaw naman ng tanggapan ng Security Agency na wala din silang pananagutan sa nangyari dahil hindi ‘duty’ ni Alberto ng araw na iyon.

Pagkatapos ng mahabang paglilitis ay na-dismiss ang kaso dahil sa “lack of merits”.

Batay sa desisyon ng korte malinaw na walang matatanggap na tulong ang naiwang pamilya ni One.

Sinubukan nina Turing at Maritess na humingi ng tulong sa tanggapan ng munisipyo ng Pasig ngunit wala din itong nagawa.

“Kailan namin at ng mga apo ko makakamit ang hustisya na dapat matagal ng napasaamin. Paano na ang kinabukasan ng mga apo ko ngayong wala na ang kanilang ama.” madamdaming pahayag ni Turing.

Dumulog si Turing sa aming tanggapan CALVENTO FILES/ Hustisya Para sa Lahat dahil hindi pa din siya nawawalan ng pag-asa na madinig ng “Goldilock’s Bakeshop at Combined Blue Dragon Security Agency” ang tulong pang-pinansyal na matagal na nilang ipinaglalaban para sa mga apo nitong naulila sa ama.

Nabigyan naman ng pagkakataon si Turing na makapanayam si Atty. Richie Macapagal ng Public Attorney’s Office (PAO) upang mabigyan siya ng legal options tungkol sa usaping ito.

SA MGA MAMBABASA NG CALVENTO FILES, naiintindihan namin na maaring wala ngang kasalanan ang Goldilocks at Combined Blue Dragon Security Agency sa mga pangyayari subalit hindi ba maaring “for humanitarian reasons” na lang kayo na ang magpaluwang ng P50,000 sa pamilya ni Alberto na namatay dahil sa insidenteng ito.

Sigurado ko na ang Goldilocks management ay meron din namang “ginintuang puso (Goldilocks nga eh) para madama naman ang dalamhati na inabot ng pamilya ni Alberto. Kayo naman dyan sa Combined Blue Security Agency makihati na lang kayo sa tulong at nasisiguro ko naman na ibabalik ng Panginoon ang lahat ng ito at higit pa sa naitulong ninyo. (KINALAP NI JASMIN SALENGA)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming nume­ro ay 09213263166 o sa 09198972854 ang aming landline ay 6387285. Maaari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Pasig City. Email address: [email protected]


ALBERTO

DAHIL

DRAGON SECURITY AGENCY

GOLDILOCK

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with