IBM system sa GSIS sablay!
Namiminto ang isang legal war sa pagitan ng dambuhalang kompanyang IBM Philippines at Government Service Insurance System (GSIS). Ang rason: “Sablay” na data base system. Nahihirapan ngayon ang mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) sa pagkuha ng kanilang claims dahil dito.
Kailangang umaksyon nang maagap ang IBM Philippines. Grabe iyan. Ginastusan ng malaki pero sumablay ang computer system ng GSIS. Natural, mga GSIS members ang apektado. Hirap na hirap ang GSIS sa pagproseso ng mga claims ng mga members at pensyunado.
Nagpalabas ang Government Service Insurance System (GSIS) ng isang open letter sa mga kasapi at pensyonado. Ipinaliwanag kung papaanong ang software na ikinabit ng IBM sa GSIS ay lalung gumulo sa sistema.
Matagal na raw nagreklamo ang GSIS sa IBM Philippines. Mismong ang main office ng IBM sa Ontario, Canada ang nagsabi na ang IBM software ang may depekto, ngunit ang lokal na executive ng IBM ay wala namang aksyon sa problema. Ito rin ang dahilan ng mga problema ng GSIS sa pagtanggap ng bayad ng members.
Ang tanging ginawa umano ng IBM Philippines ay mag ‘upload’ng software para sa DB2 database management system na ginagamit ng GSIS. Sa kabila nito, di nawala ang problema. Dalawang local affiliates ng IBM ang Questronix at SAP ang nagbunyag sa depektibong sis-tema. Sinabi naman ng GSIS na sa kabila ng problema, nananatili naman ang integridad ng listahan ng mga kasapi, pati mga record. Kumukonsulta na rin ang GSIS sa ibang IT experts kung paano malutas ang problema.
Nagbabala rin ang GSIS na gagawa ng aksyong legal laban sa IBM kung hin-di aaksyunan ang problema. Dapat lang dahil kapakanan ng mga members ang nakataya. Dapat lang magpursige ang GSIS para kasuhan ang IBM. Naniniwala ako’ng malaki ang laban ng GSIS.
Mahirap na nga ang buhay ngayon, mababalam pa ang release ng benepisyo ng mga GSIS members dahil sa problemang iyan.
Salamat sa political will ni GSIS chief Winston Garcia para ipaglaban ang usaping ito. Mahirap nga pero kinakailangang gawin.
- Latest
- Trending