^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Ba't di pa ibasura ang Balikatan?

-

MARAMING isyu ang sumusulpot sa RP-US Balikatan war exercises. Hindi lamang ang paglabag sa karapatang pantao kundi pati rin pala ang paggamit ng pondo ay lumutang na rin. Kaya may katwiran ang mga grupong bumabatikos sa Balikatan. Ngayon ay mas lalong aanghang at ba­bagsik ang kanilang sigaw na ibasura na ang Balikatan. Itigil na ito at nang matahimik na ang mga nagpoprotesta sa Mendiola at sa harapan ng US Embassy?

Ang pagtutol sa pagdaraos ng Balikatan ay nagsimulang uminit at lumagablab nang gahasain ng isang Amerikanong sundalo ang isang Pinay noong November 1, 2007 sa Subic. Nahatulan naman ang sundalong si Lance Cpl. Daniel Smith pero umatras ang biktimang si “Nicole”. Nasa US na si “Nicole”. Si Smith ay nananatili sa custody ng US embassy.

Noong Huwebes, isang Pinay na naman ang nagreklamo na ginahasa siya ng isang Ameri­ kanong sundalo sa isang hotel sa Makati City noong April 10. Nakilala umano ng Pinay sa isang bar sa The Fort, Taguig. Sabi ng Pinay, hindi siya aatras sa pagsasampa ng kaso sa sundalo.

Habang mayroong Balikatan, hindi matatapos ang problema sa mga pinagsasamantalahang Pinay. Laging magkakaroon ng problema sapagkat ang mga “hayok” na sundalo ay hindi naman natatakot na mademanda o masampahan ng kaso sapagkat ilalagay lang sila sa custody ng US embassy kagaya ni Smith. Para na ring nasa laya ang sinumang sun­dalong Kano na irereklamo. Nakasaad sa Balikatan na ang mga sundalong nakagawa ng kasalanan sa bansang pinagdarausan ng war exercises ay isasailalim sa custody ng US embassy. Katulad nga ni Smith na sa halip na sa Muntinlupa ikulong ay sa US embassy nakahimpil.

Ano pang katibayan ang kailangan para hindi ibasura ang RP-US Balikatan? Lalo ngayon na tila ginagawang “gatasan” ng mga heneral ang pro­grama. Isang navy officer ang nagbunyag na may mga heneral na sangkot sa anomalya kaugnay sa P46 milyong pondo ng RP-US military exercises. Dapat maimbestigahan ang anomalyang ito sa lalong madaling panahon. Dapat panagutin ang mga kasangkot.

BALIKATAN

DANIEL SMITH

DAPAT

ISANG

LANCE CPL

MAKATI CITY

NOONG HUWEBES

PINAY

SI SMITH

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with