Naglahong pangarap
Sa dami ng aking pangarap sa buhay
Masaganang luha sa mata’y bumukal;
Bawa’t patak nito sa lupa’y nalusaw
Kasama ang pusong ang hanap ay ikaw!
Ikaw na bituin ng aking pangarap
Sa gabi’y nagtago sa likod ng ulap;
Pati ang umagang hanap sa hinagap
Ay nagtampo na rin at ayaw pasulyap!
Ang tanging pangarap na hanap ng puso
Nasa iyong ganda at iyong pangako;
Sinabi mo noong hindi magbabago
Ang pagmamahal mong naangkin nang buo!
Kaya ang pangarap ay naging marami
Ang ngayon at bukas aking hinahabi;
Akala ko noon ay tunay ang sabi
Tanging ako lang ang itinatangi!
Ngunit isang araw ay biglang nagbago
Ang iyong alindog na laging mabango;
Naiwan sa akin halimuyak nitong
Sinasamyu-samyo sa iyong paglayo!
Kaya sa pangarap na lang nabubuhay
Ang buhay kong ito nang ika’y mawalay;
Sapul nang lumayo ang tanging alalay
Ang iyong gunita sa gabi at araw!
May mga gabi ngang hinahanap-hanap
Ikaw na bituin sa likod ng ulap;
Subali’t talagang wala nang liwanag
Nakikita kita’y tanging sa pangarap!
Pati na ang araw na tanging ligaya
Nawala sa ulang pumatak na bigla;
Natatakot ako na biglang bumaha
At tangayin pa rin pumatak na luha!
- Latest
- Trending