EDITORYAL - Sige, ituloy ang election automation
ISANG taon na lamang at 2010 elections na. Magkakaroon na naman ng pagkakataong makapaghalal ng kanilang presidente at bise presidente ang mamamayan. Ngayon pa lang, nagsisimula nang magpakita ang mga pulitiko sa pamamagitan ng kanilang mga anunsiyo sa TV. Pero malaking katanungan pa rin hanggang ngayon kung anong sistema ang gagamitin sa pagbilang ng mga boto — mano-mano o computerized na? Paano’y hanggang sa isinusulat ang editorial na ito ay wala pang bidders na nakakapasa para magsagawa ng automation. Pitong bidders na ang sumali para mag-supply ng machines at equipment pero lahat sila’y nireject ng Commission on Elections (Comelec).
At kung ang Comelec naman ang tatanungin, sabi nila, tuloy ang automation ng 2010 elections. Wala pa raw makapagbabago sa kanilang desisyon para isulong ang automation ng election. Hindi pa raw sila nagdedeklara ng failure sa bidding. Meron pa raw panahon para maisagawa at maisaayos ang computerization.
Iyan naman isang magandang katangian ng Comelec chairman na si Jose Melo. Sa lahat ng naging Comelec chairman siya ang pinaka-positibo sa lahat. Maaaring mangyari ang lahat basta pinagsikapang gawin. Hindi ba’t positibo rin ang reaksiyon ni Melo nang panahong pinagdedebatehan pa ng mga mambabatas ang budget para sa automation. Sabi ni Melo, aaprubahan tiyak ng mga mambabatas ang supplementary budget. Makalipas lamang ang ilang linggo ay inaprubahan ang budget.
Ngayon ay positibo pa rin si Melo na ang balak na automation ay matutupad sa susunod na May 11, 2010 elections. Hindi kailanman mahahadlangan ang kanyang pangarap na magkaroon ng kauna-unahang automation sa bansa. Tinanggihan din ni Melo ang suhestiyon na gamitin ang mga inaagiw na machines ng MegaPacific. Tinanggihan din niyang maging partial ang election. Paano nga’y positibo ang isipan ni Melo na magkakaroon pa rin ng mananalong bidder na magsusuplay sa kanilang pangangailangan.
Sige, ituloy ang automation ng election. Ipakitang kayang-kaya. Huwag nang bumalik pa sa mabagal na mano-manong bilangan na merong nangyayaring dayaan.
- Latest
- Trending