'Atakbo atulin...'
SA ORAS NG PANGANIB malalaman mo ang tunay na kaibigan. Hindi ka niya iiwan at kasama mong haharapin ito at hindi tatakbo ng matulin para iwan ka.
Si Alberto “Bert” Ajas, 50 taong gulang, naninirahan sa Las Piñas City isang barangay tanod sa nasabing lugar nalaman na hindi pala siya dadamayan ng kanyang mga kasamang kaibigan.
Ika-1 ng Nobyembre, taong 1999 bandang alas kwatro ng hapon ng lumapit ang isang nagngangalang Viring Clete at humihingi ng tulong sa away nilang mag-asawa.
Rumesponde siya kasama ang kapwa tanod na sina Raffy Mendoza at Duroy Montalbo. Hindi nila inabot yung asawa ni Viring.
Habang pauwi na si Bert kasama ang dalawa pang tanod napansin nila ang lasing na si Jose Jimenez. Binabato nito ang bahay ng isang Odie Mugas. Kasama niya ang kapatid niyang si Edgar Jimenez at isang nagngangalang Roberto.
“Sinabi ko sa kanila na pag-usapan nila ang problema.” ayon kay Bert.
Ang gusto lamang niya ay magkaayos ang mga taga barangay subalit hindi nagustuhan nila Jose ang payo niya. Akala kinakampihan niya si Odie.
Nagulat nalang si Bert ng biglang maglabas ng bolo si Jose at tangkang tatagain siya nito sa dibdib. Natabig ni Bert gamit ang kanyang batuta subalit napuruhan ito sa kanang hita.
Nagtatakbo naman ang dalawang kasamahang tanod ni Bert.
“Matulin na tumakbo ang mga kasama ko dahil may dalang bolo itong si Jose. Iniwan nila itong si Bert na nag-iisa.” Walang gustong tumulong at pinagtulungan na itong si Bert ng mga suspek.
Matapos pagtatagain si Bert, tumakas ang mga suspek. Tinulungan si Bert ng isang Rene Cabrera na nagdala sa kanya sa Perpetual Help Hospital.
Sumuko si Jose at ang kapatid nitong si Edgar sa barangay ng mismong gabi yun. Nakulong ito ng halos dalawang buwan at nakalaya pansamantala ng magpiyansa. Ang isang kasama nila ay nagtago na.
Ang ugat ng pagtatalo nina Jose at Odie Mugas ay sabong. May utang ’di umano si Jose ng isang libo kay Odie na hindi binabayaran dahil gusto nito na maglaban muli sila baka sakaling makabawi. Ayaw pumayag ni Odie.
Nung gabi bago maganap ang karahasan sinugod umano ni Odie si Jose at sinampal ito. Bago makaganti si Jose nakatakas ito. Si Bert ang napagbalingan ng galit.
Nagsampa ng kaso ang misis ni Bert laban sa mga suspek ng ‘Frustrated Murder’ noong taong 2000.
Ika-6 ng Marso, taong 2001 ng basahan ng demanda ang magkapatid. “Not Guilty”ang kanilang isinagot sa demanda.
Gustong aregluhin umano si Bert subalit sinagot niya ito ng, “Pasensya na ngunit huli na ang lahat. Hayaan na natin ang korte ang humusga.”
ika-7 ng Agosto, 2008 naglabas ng desisyon si Presiding Judge Salvador V. Timbang, Jr. ang mga suspek na sina Jose at Edgar Jimenez ng ‘GUILTY.
Nagtataka si Bert kung bakit hanggang ngayon hindi pa rin hinuhuli at nakakalaya pa rin ang mga suspects na magkapatid at naglilingkod pa umano ito sa barangay bilang mga tanod.
Pebrero 3, 2009 naghain ang magkapatid ng ‘Partial Motion for Reconsideration.’
Halos sampung taon na ang lumipas ngunit ‘di pa rin nakakamit ni Bert ang ganap na hustisya sa mga tinamo niyang mga sugat na muntik na niyang ikinamatay. Inip na si Bert na makuha ang hustisya at makulong umano ang magkapatid na ito.
SA GANANG AKIN kaya nakalalaya pa ang mga ito ay dahil sa pending ang kanilang apila. “Bailable” ang kasong Frustrated Murder.
Ang piyansang inilagak nila ang dahilan kung bakit ’di pa sila nakukulong. Ang piyansa ay taon-taon nire-renew at dapat alamin ni Bert kung ginagawa nga ito ng dalawang suspek, maliban na lang kung “cash bond” kung saan ang buong halaga ang inilagak nila.
Ito ay kasama sa proseso at kapag lumabas na ang desisyon ng Court of Appeals at hindi binabaliktad ang hatol ng huwes tiyak papasok ang mga ito sa kulungan. (kinalap nila Carra Dizon at Joane Del Rosario)
SA MGA GUSTONG humingi ng tulong sa amin, ang aming mga numero ay 6387285 at magtext sa 09213263166 o 09198972854.
Maari din kayo magpunta sa aming tanggapan sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending