EDITORYAL - Umaaksiyon na ba vs mga buwitreng recruitment agencies?
MARAMI ang nagtatanong kung kumikilos na ang Philippine Overseas and Employment Administration (POEA) laban sa mga ganid at manlolokong recruitment agencies. O patuloy na nagsasawalang-kibo sapagkat lumamig na ang isyu? Kung walang aksiyon ang kinauukulan, mauulit pa ang pangyayari kung saan marami pang mabibiktimang naghahanap ng trabaho.
Hanggang ngayon, hindi pa nakakakuha ng katarungan ang 137 Pinoy drivers na ni-recruit para magtrabaho sa Dubai. Ang 137 drivers ay nirecruit ng CYM International and Placement Agencies ay naglagay ng P150,000 placement fee at babayaran nila iyon sa loob ng 15 buwan. Pinangakuan sila ng 5,200 dirhams na suweldo bawat buwan o katumbas ng P62,000. Pero ang kinasadlakan niya ay hindi malilimutan sapagkat sa loob ng tatlong buwan ay umasa sila sa limos at pamumulot ng basura. Kung hindi nila gagawin iyon, mamamatay sila sa gutom. Ang may-ari ng ahensiya ay hindi pa humaharap sa hearing ng Senado. Nagtatago na umano.
Masahol pa sa buwitre ang may-ari at tauhan ng recruitment agencies. Ang buwitre ay sa mga patay na hayop nakikinabang. Ang bulok na laman ang kanilang kinakain. Ang mga manlolokong recruiter ay sa sariwang katawan at dugo ng mga aplikante nakikinabang.
Noong nakaraang linggo, napaulat na may 38 OFWs ang napaulat na namamalimos din sa Qatar. Ang 38 OFWs ay nabiktima rin ng manlolokong recruiters. Sa kasalukuyan, kinukupkop na ng Welfare Office na nakabase sa Qatar at Embahada ng Pilipinas ang 38 Pinoys.
Dapat masampolan na ang mga buwitreng may-ari ng ahensiya na nagsasadlak sa mga Pinoy. Kung may masasampolan ang Philippine Over- seas and Employment Administration (POEA) maaaring mabawasan na ang mga gutom na buwitreng kakain sa laman at dugo ng mga kawawang manggagawa. Tapusin na ang katakawan ng mga buwitre. Paigtingin pang lalo ang kampanya laban sa mga buwitreng illegal recruiter.
- Latest
- Trending