Labor contractualization at contract substitution
Magsasagawa ang senado ng masusing imbestigasyon sa mga isyu ng labor contractualization at contract substitution.
Ito ang inihayag ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment sa kaniyang nationwide radio program na “Boses ng Masa” na napakikinggan sa DZRH tuwing Byernes, 5:30-6:00 pm.
Napakaganda at napaka-informative ng “Labor Day 2009 episode” ng naturang programa noong Biyernes.
Sa pamamagitan ng labor contractualization, ang ilang kompanya sa Pilipinas ay nagha-hire ng mga empleyado para sa anim na buwang kontrata lang at bago pa man matapos ang kontrata ay tinatanggal na sila sa trabaho upang hindi sila maging regular employees. Pagkatapos nito ay kukuha uli ang kompanya ng six-month casual o contractual employees. Dahil dito ay nakaiiwas ang mga kompanya na magbayad at magbigay ng karampatang suweldo at benepisyo na isinasaad ng Labor Code para sa regular employees.
Ang usaping ito ay pinaimbestigahan na ni Jinggoy noong nagdaang 13th Congress, at muling tatalakayin sa kanyang komite ngayong 14th Congress.
Sa ilalim naman ng contract substitution, ang ating mga manggagawa, partikular ang mga OFW, ay pinapipirma sa panibagong kontrata pagdating nila sa abroad. Ang naturang panibagong kontrata ay nagsasaad ng ibang trabaho, mas mababang sweldo at limitado o kulang na pribilehiyo kaysa sa orihinal na kontratang kanilang pinirmahan dito sa Pilipinas noong nag-a-apply pa lang sila.
Hindi na mabilang ang mga OFW na nabiktima sa contract substitution, at ito ay iniulat kay Jinggoy nina Gary Martinez at Connie Regalado ng grupong Migrante.
Ayon kay Jinggoy, gagawa siya ng mga hakbangin para solusyunan ang naturang mga isyu na matagal nang inirereklamo ng ating mga manggagawa.
Samantala ay muli naming binabati ni Jinggoy ang mga mamamayan ng tinaguriang “City of Smiles,” na walang iba kundi ang Bacolod sa Negros Occidental kung saan ay dumalo at nakisaya siya sa “Ugyunan o Unity Festival” doon noong nakaraang linggo.
- Latest
- Trending
















