EDITORYAL - Putulin ang pangil at sungay ng manlolokong recruitment agencies
PATULOY ang pamamayagpag ng mga manlolokong recruitment agencies. At maitatanong kung totoo bang may operasyong ginagawa ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) laban sa mga illegal na nagre-recruit ng trabahador para sa abroad. O kampante lamang ang POEA kahit alam nilang laganap ang mga panloloko sa mga kawawang manggagawa.
Halos maisumpa ng 137 Pinoy drivers ang CYM International and Placement Agencies na nag-recruit sa kanila para magtrabaho sa Dubai noong nakara ang Enero. Pero kalbaryo pala ang kanilang kasasadlakan sapagkat pagdating sa Dubai, walang trabahong nakahanda sa kanila. Sinabi ng mga Pinoy driver na nirecruit sila ng CYM International and Placement Agencies at pinangakuan ng 52,000 dirhams (P62,000) suweldo. Hiningan umano sila ng P150,000 placement fee at babayaran nila iyon sa loob ng 15 buwan. Pero kalbaryo nga ang kanilang dinanas sapagkat sa loob ng tatlong buwan ay umasa sila sa limos ng mga kababayan sa Dubai. Ang ilan sa kanila ay namulot ng basura. Pati pagkain sa basurahan ay kanilang sinisimot para lamang maibsan ang gutom. Kung hindi nila gagawin iyon, mamamatay sila sa gutom.
Ang mga may-ari ng ahensiya ay hindi pa humaharap sa hearing na ipinatawag ng Senado. Nagta-tago na umano ang mga ito.
Noong Huwebes, 38 OFWs ang napaulat na namamalimos sa Qatar. Ang 38 OFWs ay nabiktima rin ng manlolokong recruiters. Sa kasalukuyan, kinukupkop na ng Welfare Office na nakabase sa Qatar at Embahada ng Pilipinas ang 38 Pinoys.
Kailangang masampolan na ang mga manlolo-kong ahensiya na nagsasadlak sa mga Pinoy sa dusa sa ibang bansa. Kung may masasampolan ang Philippine Overseas and Employment Administration (POEA) maaaring mabawasan na ang diyablong may matulis na pangil at sungay. Wakasan ang kasamaan ng mga ahensiyang may maka-diyablong hangarin. Paigtingin ng POEA ang kampanya laban sa illegal recruiters. Nararapat namang maging matalino at alerto ang mga mag-aaplay sa abroad para hindi sila malinlang ng mga diyablo.
- Latest
- Trending