Kaaway ng tao
NGAYON lang ako magsusulat sa pagtrato ng Quezon City Police Department sa pamumuno ni Col. Franklin Mabanag kay Ted Failon at mga kamag-anak nito. Marami na ang nagbuhos ng galit at batikos sa bastos na pagtrato sa pamilya ni Ted na alam naman ng lahat na ganti ng mga pulis sa broadcaster dahil sa matinding kritiko nito sa mga pulis, lalo sa QCPD.
Ganito ba ang pagtrato ng mga pulis kay Tony Leviste, na bumaril sa matalik niyang kaibigan noong hinuhuli na siya? Hinakot din ba na parang mga snatcher sa Quiapo ang mga tauhan ni Leviste para “imbitahan” sa presinto?
At ano ang maitutulong ng paghakot ng mga kamag-anak noong namamatay na si Trini Etong? Ano ang maitutulong niyon sa kaso sa oras na iyon na tila napakahalaga para sa mga pulis na mabista na ng piskal? Maibabalik ba ni Col. Mabanag ang nawalang oras ng mga kapatid ni Trini Etong na makapiling ang kanilang kapatid, nung namatay na siya habang naghihintay sila ng piskal? Sila ba’y akusado sa pagbabaril kay Trini Etong, na kailangang hulihin kaagad at baka tumakas? May peligro ba na tatakbo sila at lilipad sa ibang bansa?
Pati nga ang kasong obstruction of justice, na ibinasura na ng piskal dahil walang basehan para sa mga kapatid ni Trina. Iilan pa lang iyan sa mga tanong ng napakaraming taong nakapanood ng video ng mga aksyon ni Mabanag sa New Era General Hospital. Maliwanag na maliwanag na nakahanap ng oportunidad ang QCPD kay Ted sa pinakamahirap na oras sa kanyang buhay. Kinastigo ang apat? Apat lang? Bakit hindi kasama si Mabanag? Akala ko ba, command responsibility ang sinusundan ng pulis?
Kaya huwag nang ibida ng pulis na kakampi nila ang mamamayan. Huwag na nilang ibida na magalang sila. Huwag na nilang ibida na nirerespeto nila ang karapatang pantao. Ang pulis ay armadong grupo, na gagawin at gagawin ang gusto nilang gawin. At tulad ng komentaryo ng libu-libo, kung ganun kaarogante ang mga pulis sa isang kilalang tao, kahit sa harap pa ng kamera ng media, paano pala ang ordinaryong mamamayan na hindi naman tinututukan ng media? Mag-ingat na tayong lahat, mga kapamilya. Bumalik na ang mga pulis ng dekada sitenta. Bumalik na ang kaaway ng tao.
- Latest
- Trending